14,887 total views
Ipananalangin ng Kanyang Kabanalan Francisco na maging matagumpay ang Paris Olympic Games at Paralympic Games na magsisimula sa susunod na linggo.
Sa mensahe ng santo papa binigyang diin nitong ang nasabing palaro ay naging daan upang pagbuklurin ang mamamayan sa kabila ng pagkakaiba ng kultura at tradisyong kinagisnan.
“Sport also has a great social force, capable of peacefully uniting people of different cultures,” bahagi ng mensahe ni Pope Francis.
Tinuran ni Pope Francis ang nakagawiang sinaunang tradisyon na ang olympics ay pagkakataong magpahinga ang mga magkakatungaling bansa at humanap ng mga hakbang para sa pagsusulong pangkabuuang kapayapaan sa lipunan.
Umaasa ang punong pastol ng mahigit isang bilyong katoliko sa mundo na magsisilbing huwaran ang mga atletang kabataan sa pagkakamit ng kapayapaan lalo na sa mga lugar na nakararanas ng sigalot at digmaan dahil sa pagkakaiba at kapangyarihan.
“I hope that this event can be a sign of the inclusive world that we want to build and that the athletes, with their sporting testimony, are messengers of peace and valid models for young people,” ani Pope Francis.
Nakatakda ang Olympic Games 2024 sa July 26 hanggang August 11, 2024 sa Paris France.
Batay sa kasaysayan nagsimula ang Olympic at Paralympic Games noong 1896 na may 14 lamang na bansa sa buong mundo ang lumahok.
Mayroon namang 22 Pilipinong atleta ang lalahok sa 2024 Paris Olympics kasabay ng ika – 100 taong pakikilahok ng Pilipinas sa pandaigdigang paligsahan.
Kabilang na rito sina EJ Obiena, John Tolentino, Lauren Hoffman, Carlos Yulo, Aleah Finnegan, Levi Ruivivar, Emma Malabuyo, Eumir Marcial, Nesthy Petecio, Aira Villegas, Carlo Paalam, Hergie Bacyadan, John Ceniza, Elreen Ando, Vanessa Sarno, Sam Catantan, Joanie Delgaco, Bianca Pagdanganan, Dottie Ardina, Kiyomi Watanabe, Kayla Sanchez, at Jarod Hatch.