419 total views
Umaasa si Cebu Archbishop Jose Palma na higit mabuksan ang kamalayan ng mamamayan sa kasagraduhan ng pamilya. Ito ang pagninilay ng arsobispo sa ikalimang araw ng nobenaryo sa kapistahan ni San Jose sa unang araw ng Mayo.
Ipinaliwanag ni Archbishop Palma sa pagdiriwang ng Year of St. Joseph nawa’y matuklasan ng bawat pamilya ang kahalagahan ng ginampanang tungkulin ni San Jose bilang ama sa Banal na Mag-anak.
“Nawa sa pagdiriwang natin ng Year of St. Joseph, malaman ng bawat isa ang role ni St. Joseph na ipinakita sa pagpapanatiling sagrado ng pamilya,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Palma.
Si San Jose ay itinuturing na ulirang ama at masunuring anak ng Diyos nang sumunod ito sa kalooban ng Panginoon na maging ama ni Hesus nang isilang ito sa mundo ng Mahal na Birheng Maria.
Iginiit ni Archbishop Palma na sa pamamagitan ng pagsunod at pagiging tapat ng mga mag-asawa sa kaloob ng Panginoon ay nakikibahagi na ito sa mahalagang misyon sa buhay pamilya.
Ngayong taon idineklara ng Kanyang Kabanalan Francisco ang Year of St. Joseph bilang paggunita sa ika – 150 anibersaryo bilang patron ng Universal Church.
Kasabay nito ang isang Apostolic Letter ng Santo Papa na “Patris Corde” (With a Father’s Heart). Hinimok ng arsobispo ang bawat ama ng mga tahanan na tularan ang mga halimbawa ni San Jose na sa katahimikan ay buong pusong sumunod sa kalooban ng Panginoon at ipinagkatiwala sa Diyos ang lahat ng bagay.
Ginanap ang misa sa ikalimang araw ng nobenaryo sa St. Joseph the Worker Parish, sa Tabunok Cebu. Nakatakda naman sa araw ng kapistahan ng santo ang national consecration to St. Joseph sa National Shrine of St. Joseph sa Mandaue City.