279 total views
Inihayag ni Marawi Bishop Edwin Dela Pena na pinakamabisang paraan ng pagpapakita ng pagmamahal sa lipunan ay ang pagpapatatag ng pamilya.
Ayon sa Obispo, bilang simbahan ay dapat palakasin ang pagsasama ng mga mag-asawa lalo ngayong nahaharap sa iba’t-ibang hamon sa lipunan.
“The more meaningful way of showing it (love), is for us as a church is to build up a family especially itong mga pamilya na humaharap ngayon sa mga malalaking pagsubok,”pahayag ni Bishop Dela Peña sa Radio Veritas.
Magugunitang nitong nakalipas na linggo ay naipasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill No. 100 o ang panukalang Absolute Divorce Act.
Binigyang diin ni Bishop Dela Peña ang pagpapaigting ng pagpapahalaga sa sakramento ng pag-iisang dibdib na biyaya at pagbabasbas mula sa Diyos.
“Yung sakramento ng kasal; yung grasya o kaloob ng Pangioon para sa mga mag-asawa ay talagang magiging dahilan para ang kanilang pagsasama ay magiging matatag at successful,” dagdag pa ni Bishop Dela Peña.
Naunang sinabi ni Fr. Jerome Secillano ng CBCP – Public Affairs na ang diborsyo ay hindi lamang nakatuon sa usapin ng kababaihan kundi ito ay usapin ng buong pamilya na maaaring masira sa paghihiwalay ng mag-asawa.
Bukod sa Pilipinas, wala ring divorce law sa Vatican sapagkat naniniwala ang Simbahan sa kahalagahan ng pagpapatibay ng pamilya ang tinaguriang pinakamaliit ng yunit ng lipunan kung saan hinuhubog ang bawat isa tungo sa pagiging mabuting kasapi ng pamayanan.