416 total views
Ito ang binigyang diin ni Buhay Partylist Representative Lito Atienza na dapat na malaman ng taumbayan ang maidudulot sa lipunan ng isinusulong ni House Speaker Pantaleon Alvarez na dissolution of marriage at same sex marriage.
Ayon sa mambabatas, dapat na maintindihan ng publiko na makakaapekto sa mismong matatag ng kultura ng pamilya ng mga Filipino ang naturang mga panukala bukod pa sa paghina ng ating lipunan at posibleng paghina ng ekonomiya ng bansa.
“Dapat ito’y malaman ng taumbayan at maintindihan ano ang kahulugan nito at ano ang ibubunga nito, para sa pagkasira ng pamilya, paghina ng ating lipunan at makakaapekto ng malaki sa ating bansa sa paghihirap ng ekonomiya…”pahayag ni Atienza sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, ang populasyon sa bansa ang isa sa itinuturing na nakapagpapalakas ng ekonomiya ng Pilipinas dahil sa malaking bilang ng lakas paggawa.
Batay sa POPCOM o Commission on Population, noong Enero ng kasalukuyang taon, umaabot na sa 102.4 milyon ang kabuuang bilang ng populasyon ng Pilipinas kung saan ika-labintatlo ang bansa sa may pinakamalaking populasyon sa buong mundo.
Samantala muli ring binigyang diin ng mambabatas ang mga polisiya sa Saligang Batas na pumuprotekta sa pagpapamilya tulad na lamang ng Family Code kung saan nakasaad na ang pagpapakasal ay nararapat sa pagitan lamang ng isang lalake at isang babae.
Kaugnay nito, nauna nang umapela ang Simbahang Katolika na huwag kontrolin ang populasyon sa halip bigyang pagkakataon ang mga sanggol sa sinapupunan na mabuhay kasabay ng pagtiyak sa patuloy na pagsusulong at pagpapatatag ng kasagraduhan ng Sakramento ng Kasal.(