248 total views
Palalimin pa ang pananampalataya sa gitna ng umiiral na krisis dulot ng coronavirus pandemic.
Ito ang mensahe ni Fr. Rene Richard Bernardo, health priest minister ng Diyosesis ng Kalookan para sa lahat ng mga mananampalatayang nakakaranas ng depresyon ngayong pandemya.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Fr. Bernardo, hinihikayat nito ang bawat isa na patatagin at paigtingin pa ang pananampalataya upang maiwasan ang stress na isa sa mga pangunahing dahilan ng depresyon ng isang tao na lubha namang nakakaapekto sa immune system.
“Kaya nga I encourage people na laliman ang pananampalataya kasi ‘yung stress, isa yan sa malakas makapagpababa ng immune system. So kapag ‘yang stress natin, if we fail to handle our stress and manage incorrectly, talagang it weakens our immune system,” bahagi ng pahayag ni Fr. Bernardo sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Bontoc Lagawe Bishop Valentin Dimoc na sa panahon ngayon ay napakahalagang palakasin ng immune system sa pamamagitan ng pagkain ng wasto at masustansiyang pagkain upang maiwasan ang mga karamdaman.
Batay sa pagsusuri, 42-porsyento sa mga Filipino ang nakakaranas ng stress, anxiety at depression sanhi ng patuloy na epekto ng krisis dulot ng COVID-19 pandemic.
Sa kabila naman ng pansamantalang pagsasara ng mga parokya bunsod ng Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila at karatig na mga lalawigan, sinisikap pa rin ng simbahan na maihatid sa mga mananampalataya ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng online masses.
Isa na rito ang Radio Veritas na patuloy na nagsasagawa ng online Healing Masses na mapapakinggan sa Veritas 846 AM at mapapanood naman sa official Facebook page na Veritas846.ph tuwing alas-sais ng umaga, alas-12 ng tanghali, alas-sais ng gabi, at alas-12 ng hatinggabi.