447 total views
Ikinagagalak ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown ang pananatiling matatag ng pananampalataya ng mga Filipino at pananabik na makabalik sa mga parokya makalipas ang 2-taong pag-iral ng pandemic novel coronavirus.
Ito ang inihayag ni Archbishop Brown sa pagpapanumbalik ng mga mananampalataya sa mga parokya kasunod ng pagluwag sa umiiral na panuntunan ng community quarantine sa Pilipinas.
“I think one of the encouraging things in the Philippines is that, as covid is disappearing numbers of masses are returning with strength,” ayon kay Archbishop Brown sa programang Pastoral Visit on-the-air ng Radio Veritas.
Ayon sa Nuncio, maraming lugar kabilang na sa Europa ang nangangamba na hindi bumalik ang mga tao sa simbahan at nasanay nang hindi pumasok ng parokya dulot ng dalawang taong pandemya.
“In places like Europe, some are worried that when COVID is finished they would have lost some of their people who will not come back. They’d lost the practice and habit of going to Mass during these two years and they won’t come back,” dagdag pa ni Archbishop Brown.
Sinabi ng Nuncio na isa sa pinangangambahan ng Santo Papa Francisco na epekto ng dalawang taong pag-iral ng pandemya na maging karaniwan na ang hindi pagsisimba sa mga parokya lalo na sa simbahan ng Europa.
Natutuwa ang Nuncio na ang pangambang ito ay hindi makikita sa mananampalatayang Filipino na higit pang nasasabik na makapasok sa mga simbahan.
Sa kasalukuyan, umiiral sa Metro Manila na binubuo ng 17 lungsod at 38-iba pang lugar sa Pilipinas ang alert level 1 status dahil na rin sa patuloy na pagbaba ng bilang ng kaso ng COVID-19.
Sa ilalim ng alert status 1, pinapayagan na ang 100 porsiyento ng kapasidad sa mga pampublikong sasakyan, gusali at establisimyento gayundin sa mga parokya.