231 total views
Ipinagpapasalamat ni Surigao Bishop Antonieto Cabajog na nanatili ang matatag na pananampalataya at pag-asa ng mga Surigaonon sa kabila ng pinsala na idinulot ng magnitude 6.7 na lindol sa kanilang lalawigan.
Ayon kay Bishop Cabajog, patuloy ang pagsusumikap ng mga taga-Surigao na makabawi mula sa takot at pinsala na iniwan ng kalamidad sa kanilang mga buhay.
Sa kasalukuyan ay unti-unting ng bumabangon ang mga naapektuhan ng lindol at ipinagpapasalamat na lamang nila na hindi na ito nagdulot ng mas labis pa na pinsala.
“Noon mahirap bumangon kasi natatakot pa kami tapos may mga aftershocks.. medyo okay na ngayon nakabangon na mga tao unti- unti na rin inuumpisahan ang mga repairs.”ani Bishop Cabajog sa panayam ng Radio Veritas.
Tiniyak ng Obispo na magiging aktibo pa ang kanilang Diyosesis sa pagpapalawak ng disaster preparation sa kanilang mga Parokya matapos ang karanasan mula sa naganap na kalamidad.
Samantala, Umaasa si Bishop Cabajog na magkakaroon na ang mga tao ng mas matibay na pagnanais na mapangalagaan ang kalikasan lalo na’t isa sa mga usapin ngayon ang ay ang labis na pagmimina sa kanilang lalawigan.
Naniniwala ang Obispo ng Diocese of Surigao na mas dapat bigyan pansin ang pagpapalakas sa ecotourism habang pinapalakas ang patnubay sa responsableng pagmimina.
“Maganda talaga kung responsible mining para hindi masira ang kalikasan natin yun talaga ang ine-encourage natin we call for alternatives kasi ang Surigao mayaman sa resources, ang ecotourism maganda yun sana ang mapaganda at ma enchance natin.”giit pa ng Obispo.
Magugunitang ika-10 ng Pebrero ng kasalukuyang taon ng makaranas ng magnitdue 6.7 na lindol ang Surigao City kung saan 8 ang nasawi at umabot sa mahigit 600 milyong piso ang halaga ng pinsala sa ari-arian at mga imprastraktura.
Patuloy namang nakaalalay ang Simbahang Katolika sa mga taga-Surigao.
See: http://www.veritas846.ph/simbahan-kaisa-ng-surigaonons-sa-kanilang-pagbangon/