393 total views
Inihayag ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President, Davao Archbishop Romulo Valles na pinakamabisang panlaban sa kadilimang dulot ng coronavirus pandemic ang malalim na pananampalataya sa Diyos.
Ito ang pagninilay ng arsobispo sa misang ginanap sa San Roque Parish sa Malabog Davao City sa karangalan ng patron nitong Agosto 16.
Ipinaliwanag ni Archbishop Valles na sa kasalukuyang panahon mahalagang palakasin ang pakikipag-ugnayan sa Panginoon at buong kababaang loob na hingin ang habag at awa upang mapagtagumpayan ang matinding epekto ng pandemya.
“Dakong pahinumdon nato kining tanan to renew sa atong pagtoo sa Ginoo [Malaking paalala ito sa ating lahat (pandemic) na i-renew ang ating pananampalataya sa Diyos],” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Valles.
Batid din ng arsobispo ang malaking gampanin ni San Roque bilang tagapamagitan at katuwang sa pananalangin sa Panginoon para sa kagalingan ng lahat ng may karamdaman lalo na ang mga nahawaan ng COVID-19.
“Talagsaon nga antidote, talagsaon nga grasya, talagsaon nga vaccine ang pagtoo kontra sa pandemya [Natatanging antidote, natatanging biyaya at natatanging bakuna ang pananampalataya laban sa pandemya],” saad pa ni Archbishop Valles.
Pinaalalahanan ng arsobispo ang mamamayan na huwag kalilimutan ang biyaya ng pananampalataya na ipinamalas ng Panginoon sa mga Pilipino 500 taon ang nakalilipas na sagisag ng kaliwanagan sa gitna ng mga pagsubok na kinakaharap.
Ayon kay Archbishop Valles, isang maliit na butil ang pananampalatayang kristiyanong ipinunla sa Pilipinas noong 1521 subalit yumabong ito makalipas ang limang sentenaryo.
“Ayaw kakimot ang signal sa kahayag mao ang gasa sa pagtoo 500 years ago; gamay nga liso apan milambo, kita ang kinabag-an nga nasod kristohanan ug katoliko sa kinadak-ang continent sa kalibutan [Huwag kalimutan ang signal ng liwanag, ang biyaya ng pananampalataya 500 years ago; maliit na butil na lumago, tayo ang bansa na may pinakamalaking populasyon ng mga katolika sa malaking kontinente],” ani ng arsobispo.
Si San Roque ang tinaguriang patron ng mga salot at pandemya na buong pusong inialay ang buhay sa paglilingkod sa kapwa at sa Diyos sa kabila ng paghihirap na dinaranas.
Kaugnay dito patuloy pa ring isinasagawa ng Radio Veritas 846 ang ‘4 o’clock habit’ o ang San Roque prayer tuwing alas kuwatro ng hapon upang hilingin sa Diyos sa tulong ni San Roque na iadya ang daigdig sa salot ng COVID-19. Sa pinakahuling tala ng Department of Health umabot na sa 1.7 milyon ang nahawaan ng virus sa bansa kabilang na ang mga dinapuan ng delta at lambda variant.