1,511 total views
Binigyang diin ng Commission on Elections (COMELEC) ang kahalagahan ng kauna-unahang National Election Summit na isinasagawa ng ahensya.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, mahalaga ang tatlong araw na pagtitipon na layong makinig at makipagtulungan sa iba’t ibang grupo, organisasyon at institusyon para sa mas maayos at matapat na pagsasagawa ng halalan.
Pagbabahagi ni Garcia, sadyang mahalaga para sa COMELEC na maging bukas para sa iba’t ibang mga kaalaman, karanasan, pag-aaral at pagsusuri na maaring magamit ng ahensya para sa higit na pagpapabuti at pagsasaayos ng kabuuang proseso ng halalan sa bansa.
“Not only because this is the first, but because it shows the intention of COMELEC to listen and to consult with practically everybody. Napaka-importante if the COMELEC would always listen and learn from experiences, from the studies, research of everyone.” pahayag ni Garcia.
Paliwanag ni Garcia, hindi naaangkop at hindi rin madali para sa COMELEC na sarilihin ang pamamaraan at pagsasakatuparan ng kabuuang proseso ng halalan.
Bahagi ng tatlong araw na pagtitipon na nagsimula noong ika-8 ng Marso, 2023 ang iba’t ibang mga grupo, organisasyon at institusyon na bumubuo sa stakeholders ng COMELEC na katuwang ng ahensya sa pagtiyak ng kaayusan at katapatan ng halalan.
Tema ng kauna-unahang National Election Summit ang “Pagtutulungan sa Makabagong Halalan” na naglalayong magsilbing daan para sa mas malawak na ugnayan at pagtutulungan ng iba’t ibang sektor ng lipunan para sa pagsasakatuparan ng mas maayos, malaya, mapayapa at matapat na halalan sa bansa.
Bilang pangunahing tagapagbantay ng Simbahan sa halalan ay kabilang ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa mga pangunahing stakeholders na nakikibahagi sa nasabing pagtitipon.
Una ng inihayag ni PPCRV National Coordinator Dr. Arwin Serrano na isang magandang pagkakataon ang nasabing pagtitipon upang higit na mapalakas ang ugnayan at pagtutulungan ng mga ahensya at mga grupo na nangangasiwa at nagbabantay sa kabuuang proseso ng halalan sa bansa.