226 total views
Umapela ang CBCP Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care sa bagong administrasyon na dapat unahin nitong bigyan ng parol ang mga matatandang bilanggo.
Ayon kay Rodolfo Diamante, executive secretary ng komisyon, dapat bigyang pagkakataon ni President-elect Rodrigo Duterte na pumanaw sa labas ang mga matatandang bilanggo at may mga sakit na matagal ng nakakulong.
“Ang dami-daming nakakulong na nangangailangan ng pardon na hindi ipinagkaloob ng administrasyong Aquino sa anim na taon nitong panunungkulan, pero kung bibigyan niya ng pardon si GMA, eh i-expand na niya sa mga matagal ng nakakulong may mga namamatay na na bigyan niya ng pagkakataon na mamatay man lang sa labas yun ang apela nila, bigyan sila ng pagkakaataon lalo na yung mga nakapag-served ng 20-30 years.” Pahayag ni Diamante sa panayam ng Radyo Veritas.
Dagdag pa ni Diamante, nawa ay maipadama nito (gobyerno) ang awa sa mga tunay na nangangailangan lalo na ngayong Jubilee Year of Mercy.
“Pagmamalasakit sana in this Jubilee Year of Mercy ipadama niya sa mga tunay na nangangailangan.” Ayon pa kay Diamante.
Pahayag ito ni Diamante bilang reaksyon sa alok ng administrasyong Duterte na pardon kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na naka-hospital arrest ngayon dahil sa kasong plunder.
Sa tala ng Bureau of Jail Management and Penology, hanggang nitong September ng 2015 nasa 94, 320 ang mga bilanggo sa bansa kung saan mahigit 5,000 ang pinalaya na.
Patuloy namang umaagapay ang Restorative Justice Prison Ministry ng Caritas Manila sa mga bilanggo gaya ng pagbibigay sa kanila ng proyektong pangkabuhayan upang matulungan nila ang kani-kanilang pamilya kahit sila ay nakakulong at para na rin maiangat ang kanilang dignidad.