678 total views
Kapanalig, pasukan na ulit sa ating bayan. Kadalasan ang usapin natin pagdating sa panahon na ito ay ang gastos at ang pagiging abala natin sa mga kailangan ng mga bata. At sa gitna ng lahat ng ito, nakakaligtaan natin ang mga ina, na siyang karaniwang command center pagdating sa usapin ng pag-aaral ng mga bata. Pero kapanalig, paano na kung ang nanay ay nagbubuntis pa o kapa-panganak pa lamang? Sino naman ang nag-aalaga sa kanya?
Kapanalig, mahirap din ang pinagdadaanan ng mga inay sa ating bayan – sila ang karaniwang gumagawa para sa ating lahat, at hindi natin napapansin ang hirap nila. Kahit buntis o kapanganak pa lamang, sabak sila sa trabaho, lalo sa ganitong panahon.
Ayon sa UNFPA, kada taon, 2,400 women and girls ang namamatay sa ating bansa mula sa mga maiiwasan namang komplikasyonng pagbubuntis at panganganak.
Hanggang ngayon, marami pa rin kasing hamon sa maternal health care sa ating bansa, lalo pa’t pahupa palang ang pandemya. Isa na rin ito ay ang kahirapan at kakulangan sa edukasyon. Marami sa ating mga kababayan ay kailangan pa ng gabay ukol sa reproductive health, lalo sa mga remote areas ng ating bayan. Marami sa kanila ay naka-ugat pa rin sa makalumang praktis na nagdudulot ng komplikasyon sa ina pati sa supling. Dahil din sa layo o geographical challenges, malayo din ang mga serbisyong pangkalusugan sa kanilang lugar. Wala silang matakbuhan kapag emergency.
Sa ating bansa, may kakulangan din tayo ng mga health professionals, lalo na sa mga baryo. Kulang tayo mga skilled birth attendants na handa at may sapat na kaalaman sa pag-papa-anak. Dahil nga sa kakulangan, kapanalig, may mga kababayan pa rin tayong umaasa sa hilot sa pag-papa-anak, at sa bahay na lamang ginagawa ito. Nanganganib ang buhay ng sanggol at ina dito.
Kapag nairaos naman ang panganganak, kahit sa bahay lamang, hirap naman ang recovery ng maraming ina dahil maliban sa pangangalaga sa bagong silang na anak, may iba pa silang anak na kailangan ding alagaan, at pag ganitong panahon ng pasukan, mas abala sila. Kung walang tutulong sa kanila, paano na?
Kapanalig, ang problema ng maternal health ay isyu ng lahat, hindi lamang ng pamilyang apektado. Ito ay panlipungang suliranin na kailangan nating harapin dahil ninakaw nito ang panlipunang katarungan pati na ang dignidad ng ating mga ina. Dapat tingan natin ang kanilang kalagayan, at kung gaano kahirap ang maging ina ng tahanan. Kailangan natin kilalanin at respetuhin ang kanilang dignidad at pangangailangan. Sabi nga sa Gaudium et Spes: they ought, therefore, to have ready access to all that is necessary for living a genuinely human life.
Sumainyo ang Katotohanan.