6,374 total views
Hindi sagot ang pagsasabatas ng House Bill 6152 o 4-day work week scheme upang maresolba ang trapiko sa Pilipinas.
Ito ang paninindigan ni Employers Confederation of The Philippines President Donald Dee kaugnay sa panukalang batas na pininiwalaang tatapos sa paulit-ulit na usapin sa trapiko.
Ayon kay Dee, hindi ang sektor ng paggawa ang kailangan busisiin sa halip ay ang paglikha ng mga repormang pang-transportasyon tulad ng pagdadagdag ng ruta ng tren at mga tulay na magdurugtong sa mga pampublikong lugar sa bansa. “Araw-araw naman may traffic Sabado man o Linggo sa EDSA. If we are trying to solve the traffic ang kailangan natin ayusin ang MRT, kailangan natin dagdagan ang mga kalye, tapusin ang R6 o kaya ayusin yung mga tulay na nagko-cross sa Pasig if we are talking the traffic in the National Capital Region.” pahayag ni Dee.
Iginiit ni Dee na impraktika at dagdag pasanin lamang para sa mga manggagawang Filipino ang compressed work week bill.
Unang inihayag ni Dee na sa halip na magkaroon ng mas mahabang oras sa pamilya ay mas lalo lamang iikli ang panahon na ilalagi ng isang manggagawa sa kanyang tahanan dahil sa 12-oras na trabaho kada araw na posibleng abutin pa ng hanggang 16-oras kung isasama ang pagbiyahe.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang lima o anim na araw na pasok ng isang empleyado kada linggo ay gagawing apat na araw na lamang subalit kapalit nito, ang isang manggagawa ay kinakailangang magtrabaho ng 48-oras sa loob ng apat na araw o katumbas ng 12 oras kada araw, higit ng apat na oras kung ikukumpara sa kasalukuyang walong oras na paggawa.
Itinuturing naman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino na parusa sa mga manggagawa ang 4-day work week scheme.