358 total views
Dismayado si Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias sa masigasig na pagsusulong ng mga mambabatas sa pagsasabatas ng Divorce sa Pilipinas.
Ito ang reaksyon ni Bishop Tobias, Chairman ng CBCP – National Appellate Matrimonial Tribunal sa pag-apruba ng House Committee on Population and Family Relations sa tatlong inakdang divorce bill sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ikinadismaya ng Obispo ang mariing pagsusulong at pagkadesidido ng mga mambabatas na maisabatas ang divorce sa Pilipinas.
“Sa ating gobyerno parang ang nababasa ko ay sila’y desidido na sa ganyan para bagang para ipakita na talagang ang divorce ay meron na sa Pilipinas,” pahayag ni Bishop Tobias sa panayam sa Radyo Veritas.
Base sa 2014 report ng Office of the Solicitor General, umaabot sa higit sampung libo ang naitalang annulment case sa bansa.
Nasa pagitan ng edad 21 hanggang 25 taong gulang na nakapagsama palang ng 1 hanggang 5 taon ang nagsusumite ng pagpapawalang bisa ng kasal.
Samantala sa 2015 Philippine Statistics Authority, naitala na 1,135 ang nagpakasal kada araw; 42 percent ay sa pamamagitan ng civil wedding habang 36 percent naman ang nagpakasal sa Simbahan.
Ang bilang na ito ay bumaba ng 20 porsiyento simula taong 2005.
Matatandaan namang Disyembre taong 2015 ng inilabas ni Pope Francis ang Mitis Iudex Dominus Iesus kung saan pinasimple ang proseso ng annulment ng Simbahan.