276 total views
Ito ang panawagan ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo kaugnay sa naitalang mataas na presyo ng mga bilihin sa bansa.
Ayon sa Obispo, mahalagang matutuhan ng tao ang pagtitipid lalo na sa mga bagay na hindi kinakailangan tulad ng bisyo at pagkahilig sa mga materyal na bagay.
“Matuto tayong magtipid alam natin na tumataas na ang presyo kaya sana magtipid tayo sa mga bagay na hindi naman kailangan.” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Payo ng Obispo na makatutulong sa tao ang pagkontrol sa mga gastusin at dapat isaalang-alang ang mga pangunahing pangangailangan ng pamilya.
Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority, 6.4 porsiyento ang inflation rate sa bansa mas mataas kumpara sa 5.7 porsiyento noong Hulyo.
Babilang sa mga nangunguna sa pagtaas ng presyo ang mga produktong pang-agrikultura tulad ng palay.
SURIIN ANG UGAT
Nanawagan naman si Bishop Pabillo sa pamahalaan na suriin ang pinakaugat ng suliranin upang matukoy at makapagpatupad ng mga hakbang na masolusyunan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“Patuloy tayong manawagan sa pamahalaan na ayusin itong mga [suliranin] ano ba ang naging dahilan, manawagan tayo sa mga namamahala na ayusin ang pamamahala nila kasi hirap na yung mga tao.” panawagan ng Obispo.
Pinayuhan ng Obispo ang pamahalaan na tingnan kung nakadadagdag ba ang pagpapataw ng buwis sa mga produkto lalo na sa langis kaya’t ito ay tumataas.
Hinimok din ni Bishop Pabillo ang pamahalaan na ipamahagi ang ipinangakong tulong pinansyal sa sampung milyong mahihirap na pamilya sa bansa na labis naapektuhan sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
KAUNLARAN NG BANSA AYON SA TURO NG SIMBAHAN
Binigyang diin ng Obispo na bahagi ng turo ng Simbahang Katolika ang pag-unlad ng isang Komunidad.
Ipinaliwanag ng Obispo na ang pag-unlad ng Bansa ay hindi lamang nangangahulugan ng pag-unlad sa Ekonomiya kundi mas higit ang pag-unlad sa pagkatao ng mamamayan.
“Kailangan ng development ng Bansa pero ang sinabi ng Simbahan sa pag-unlad ibig sabihin ang pag-unlad ng buong pagkatao natin at pag unlad ng lahat ng tao.” pahayag ng Obispo
Inihayag ng Obispo na kaakibat ng pag-unlad sa ekonomiya ay ang pag-unlad sa moralidad, ispirituwalidad at pangkaisipan na higit makatutulong sa pagkakaroon ng malagong Ekonomiya.
Panawagan ng Simbahang Katolika na dapat paglingkuran ng Ekonomiya ang tao at ang kapakanan ng bawat mamamayan na ayon sa dignidad ng tao.