313 total views
Mga Kapanalig, may mga nagsasabing state-sanctioned o may pahintulot ng Estado ang mga pagpatay bunsod ng giyera kontra droga ng administrasyong Duterte. Bagamat walang batas ukol rito, mistulang naging patakaran na ng kasalukuyang pamahalaan ang pagpaslang sa mga tao kahit walang matibay na patunay na sangkot ang mga ito sa droga. (Pero tandaan natin, mga Kapanalig, may kasalanan man o wala, mali ang patayin ang isang tao.)
Nawa’y hindi pa rin natin nalilimutan ang sinapit ng 17 taóng gulang na si Kian delos Santos na sinasabing pinatay ng mga pulis matapos umanong manlaban. Ang kaso naman ng pagpatay sa 19 na taóng gulang na si Carl Arnaiz, bagamat walang kinalaman sa pagkakasangkot sa droga, ay patunay din daw ng pag-abuso ng mga pulis. Para kay Senadora Risa Hontiveros, dalawa lamang sina Kian at Carl sa libu-libong kaso ng mga namatay sa kamay ng mga pulis, ng mga taong may tungkuling pairalin ang batas at pangalagaan tayo mula sa anumang kapahamakan. Ang problema pa, walang malinaw na hakbang ang pamahalaan upang lutasin ang mga kasong ito at upang mapanagot sa batas ang mga nagkasalang pulis. Hindi naman daw aksidente lamang ang lahat ng kaso ng pagpatay kaya’t malinaw na may pinanghahawakang patakaran, lantaran man o hindi, ang mga pulis.
Hindi na natin mabilang ang mga pagkakataong nagbitiw ng salita ang pangulo tungkol sa pagpatay sa mga kriminal, kabilang ang mga gumagamit at nagtutulak ng droga. Noong naganap nga ang “one time, big time operation” ng mga pulis sa Bulacan, na ikinamatay ng 32 tao, hindi ba’t pinuri pa niya ang mga pulis? Inudyukan pa niya sila na ipagpatuloy ang pagpatay, barilin ang mga suspek kapag nanlaban, at kung hindi naman ay gawan nila ng paraan upang manlaban ang mga ito. Sa kabila ng ganitong mga pahayag, itinatanggi ng administrasyon na state-sanctioned ang mga pagpatay na gawa ng mga pulis.
Sa kabilang banda, hindi nga kayâ kaya ng ating kapulisan na tutulan ang mga patakarang sa tingin nila ay hindi lamang labag sa batas kundi labag sa kanilang konsensya?
Para sa ating Simbahan, may dalawang karapatan—na maituturing ding mga tungkulin—na dapat gamitin ang mga tao kapag nahaharap sa mga pagkakataong nagtatalo ang hinihingi ng mga kinauukulan o awtoridad at ang inuudyok ng ating budhi o konsensya. Una ay ang right to conscientious objection o karapatan sa matapat na pagtutol. Karapatan ng sinuman, maging ng mga pulis, na hindi sundin ang mga atas na salungat sa mga hinihingi ng morál na pagkakaayos ng ating lipunan, sa mga saligang karapatang pantao, o, para sa mga Katoliko, sa mga turo ng Ebanghelyo. Ikalawa ay ang ating right to resist authority o karapatang salungatin ang kinauukulan lalo kung malubha na at paulit-ulit ang paglabag nito sa mga mahahalagang prinsipyo ng natural law o mga batayang prinsipyo ng pagpapakatao.
Magagawa nating salungatin at tutulan ang mga nagpapairal ng mga patakarang salungat sa ating konsensya at mga moral na batayan, hindi sa pamamagitan ng armadong paglaban, kundi sa mga paraang kumikilala pa rin sa tamang proseso ng batas, sa mapayapang pagsusulong ng mga alternatibo, at pagtataguyod ng kapakanan ng lahat. Ang mga pulis, halimbawa, ay maaaring ipakita ang kanilang pagtutol sa madugong giyera kontra droga sa pamamagitan ng pagsusulong ng community-based rehabilitation programs para sa mga madarakip nila. Epektibong pagtutol din kung tutukan nila ang maagap na paghuli sa mga gumagawa ng krimen. Mahalaga rin ang pagkuha ng tiwala ng mga mamamayan hindi sa pamamagitan ng puwersa kundi ng pakikipagkapwa.
Ngunit sa kasalukuyang itinatakbo ng giyera kontra droga, mukhang maliit ang puwang para sumalungat o tumutol ang ating mga pulis. Marahil, nakaugat pa rin ito sa kung paano itinuturing ng mga kawani sa ibaba ang mga taong nakatataas sa kanila. Gayunman, naniniwala pa rin tayong may mga pulis na matuwid, mahusay, at nakikinig sa kanilang konsensya.
Sumainyo ang katotohanan.