417 total views
Mga Kapanalig, ngayon, Oktubre 16, ay World Food Day. At ang slogan ng pagdiriwang ngayong taon ay “Our actions are our future.” Layunin ng araw na itong hikayatin ang lahat na kumilos ngayon upang maging posible ang isang “Zero Hunger World” sa taong 2030. Darating nga kaya ang panahong wala nang magugutom?
Ayon sa report na State of Food Security and Nutrition in the World ng Food and Agriculture Organization o FAO, hindi bababâ sa 800 milyong tao sa mundo ang undernourished o kulang sa nutrisyon dahil salát sila sa pagkain. Maliban sa mga digmaan at mabagal na paglago ng ekonomiya, itinuturong nasa likod ng problemang ito ang mga kalamidad na pinalalalà ng climate change. Malaking pinsala sa agrikultura ang dala ng mas malalakas na ulan at mas mahabang panahon ng tagtuyot, at ito naman ang magiging dahilan ng kakulangan sa pagkain at pataas ng halaga nito. Kung marami ang walang makain—dahil wala na silang maani o kaya nama’y wala silang pambili—bumababa ang tinatawag nating food security, na dahilan naman ng undernourishment.
Sa Pilipinas, ayon sa Annual Poverty and Income Survey noong 2017, nasa 800,000 na pamilya ang nakaranas ng gutom. Mahigit kalahati sa bilang na ito ay mula sa pinakamahihirap na pamilya o bottom 30% income households. At maaaring dumami pa ito ngayong sumipa na sa 6.7% ang inflation rate o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Nariyan din ang mga kalamidad gaya habagat noong Agosto at ng Bagyong Ompong noong Setyembre na nanalasa sa mga sakahan at nakaapekto sa presyo ng mga bilihin.
Sa Catholic social teaching na Caritas in Veritate, sinabi ni Pope Emeritus Benedict XVI: “The right to food… has an important place within the pursuit of other rights, beginning with the fundamental right to life. It is therefore necessary to cultivate a public conscience that considers food and access to water as universal rights of all human beings, without distinction or discrimination.” Mahalaga sa pagkamit ng ibang karapatan, simula sa karapatang mabuhay, ang karapatan sa pagkain. Paano nga ba naman masasabing makatao ang pamumuhay ng mga tao kung kumakalam ang sikmura nila? Mahalaga, samakatuwid, na maunawaan nating ang pagkakaroon ng sapat na pagkain ay karapatan ng lahat, anuman ang estado ng kanilang pamumuhay.
Naniniwala rin ang Santa Iglesia na konektado sa isyu ng food security ang krisis na kinakaharap ng ating kalikasan bunsod na rin ng climate change. At itinutuon ng Simbahan ang pansin natin sa mahihirap dahil sila ang unang nakararanas ng gutom pagkatapos ng matitinding kalamidad. Ang mga magsasaka, nawawalan ng ani. Ang mga mangingisda, hindi makapunta sa laot. Kung nasira ang kanilang sakahan at kung wala silang huling isda, gutóm ang kanilang mga pamilya.
Ngunit sa likod ng problema ng kawalan ng pagkain at kagutuman ay ang hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan. At ang kalagayang ito ay, una sa lahat, mula sa kasakiman nating mga tao. Mula ito sa kawalan natin ng pakialam sa mga kapatid nating napagkakaitan ng pagkain sa kabila ng kasaganahan sa pagkain ng iilan. Mula ito sa ating pagpapabayâ at pagsasamantala sa kalikasang nakikita natin bilang kasangkapan lamang para sa kaunlarang pinakikinabangan lamang ng iilan. Kung naibabahagi lamang natin nang tama ang mga biyayang inilaan ng Diyos para sa lahat, tiyak na may pagkaing sapat para sa lahat, tiyak na walang magugutom.
Kaya mga Kapanalig, darating nga ba ang panahon na walang nagugutom? Gaya ng mensahe ng tema ng World Food Day ngayon, nakasalalay ang ating kinabukasan sa mga kilos natin sa kasalukuyan. Darating ang panahong walang magugutom kung kikilos tayo ngayon para sa dignidad ng tao, kung kikilos tayo para pangalagaan ang kalikasan, kung kikilos tayo laban sa kasakiman.