406 total views
Inihayag ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. na pagsisi at pagbabalik loob ang mensahe ng Panginoon sa naranasang pandemya.
Sa panayam ng Radio Veritas sinabi ni Bishop Bacani na pinaalalahanan ng Panginoon ang sangkatauhan sapagkat labis na ang naranasang ‘pandemic of indifference’ o pagsasantabi sa pangangailangan ng kapwa.
“Sa naranasang pandemic ngayon may mensahe sa atin ang Diyos, masyado nang nilalabag at tinatakpan ang Diyos; mensahe ng Diyos sa tao na gamitin ang lahat ng bagay na ipinagkaloob ngunit huwag kayong magmalaki at makasarili; mas malaki ang pandemic of indifference kaysa sa COVID-19 pandemic,” pahayag ni Bishop Bacani sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ni Bishop Bacani na ang pagsantabi at paglimot sa kapwa lalo na sa maralita ay maituturing na paglimot sa Diyos.
Sinabi pa ni Bishop Bacani na ito rin ang paalala ng Panginoon sa Banal na Kasulatan sa ikalawang Cronica kabanata pito talata 14 kung saan sinabi ng Diyos na ang tumawag sa Kanyang pangalan at magpakumbaba ay diringgin at pagagalingin ang ang anumang salot sa lupain.
Dahil dito, magsasagawa ang Archdiocese of Manila ng ‘Day of prayer, fasting and penitential service’ sa Hunyo 1, 2021 bilang tanda ng pagsisisi at pagbabalik loob sa Panginoon at hudyat sa pagsisimula ng buwan ng Kabanal-banalang puso ni Hesus at Kalinis-linisang puso ni Maria.
Sa pastoral instruction ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo hinimok nito ang mga pari ng arkidiyosesis na makiisa sa penitential service sa Minor Basilica of the Black Nazarene kung saan dudulog ang mga pari sa sakramento ng kumpisal.
Ayon kay Bishop Bacani, mahalaga ang pagsisisi ng mga pastol ng simbahan sapagkat sila ang kinatawan ng sambayanan lalo ngayong umiiral ang pandemya at limitado ang maaring makadulog sa sakramento ng kumpisal sa mga simbahan.
“Huwag itong ituring na gawain lamang ng mga pari kundi tanawin na ang mga pari ay kinatawan ng buong sambayanang nagsisisi at tumalikod sa pagiging makasarili,” ani Bishop Bacani.
Alas 8:30 ng umaga isasawa ang communal penitential service sa Quiapo Church na agad susundan ng penitential walk patungong Sta. Cruz church kung saan ipagdiwang ang Banal na Misa na pangungunahan ni Bishop Pabillo.
Ipanalangin sa misa ang natatanging intensyon ng sambayanan, ang paghilom ng daigdig sa nakakahawang sakit at pagkakaisa ng lipunan.
Sa tala ng World Health Organization umabot na sa halos 170 milyon ang bilang ng mga nahawaan ng COVID-19 sa buong daigdig kung saan 3.4 na milyon ang nasawi.
Kaugnay dito hinimok ni Bishop Bacani ang mananampalataya sa buong bansa na makiisa at makilahok sa gawain sa pamamagitan ng online livestream sa Radyo Veritas PH, TV Maria, Quiapo Church, The Manila Cathedral at sa iba pang social media pages ng simbahan.
Patuloy ang simbahan sa pagsasagawa ng mga gawaing makatutulong mapalakas ang kalooban ng mamamayan sa gitna ng naranasang pandemya at higit na pag-alabin ang espiritwalidad ng mananampalataya.