562 total views
Homiliya para sa Huwebes ng Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon, 24 February 2022, Mk 9:41-50
Masyadong siryoso ang karaniwang image natin kay Jesus. Pero ako, batay sa mga nababasa ko sa mga ebanghelyo, sa tingin ko, palabiro siyang tao, may malakas na sense of humor. Palagay ko, maraming beses nagpapatawa siya, pero baka hindi na lang natin masakyan yung ibang jokes niya dahil iba na ang kultura natin ngayon sa kanila noon.
Kung minsan idinadaan niya sa biro pero, sa totoo lang, pinapaisip lang pala niya ang mga kausap niya. Katulad ng pagbasa natin ngayon. Pero wala naman akong nakitang natawa kaninang binabasa ni Fr Victor ang Gospel. Ang iba nga napansin ko napakunot-noo at parang nagtanong sa sarili, ANO DAW? Sino nga ba namang baliw ang gagawa noon, na kapag nainis siya sa isang bahagi ng katawan niya ang gagawing solusyon ay puputulin niya o dudukitin nya?
Hindi ba katawa-tawa, kung, halimbawa nagnakaw ka, tapos, pagagalitan mo ang kamay mo? Sasabihin mo sa kanya, “Napaka-bad mong kamay ka. Galit ako sa iyo dahil nandukot ka na naman. Nagkasala tuloy ako.” O kaya nagpunta ka sa sugalan at natalo lahat ng pera mo sa sugal. Tapos pagagalitan mo ang mga paa mo at sasabihin mo, “Galit ako sa inyong dalawa! Bad kayo! Dinala na naman ninyo ako sa sugalan!”
Maiintindihan mo pa kung talagang may diperensya yung taong magsabi ng ganoon. Halimbawa, yung Dutch painter na si Vincent Van Gogh. Ayon sa kuwento, pinutol daw niya ang isang tenga niya. Siguro dahil sa dami ng mga tinig na naririnig niya noong napapraning na siya. Hindi mo naman gagawin iyon kung wala kang diperensya sa pag-iisip. Bakit mo naman pagagalitan ang kamay, o paa, o mata mo, e sariling isip mo ang nag-utos sa kanila na gumawa ng masama, di ba?
Talagang matalinghaga kung magturo si Hesus, kung minsan. Patatawanin ka muna, pero maya-maya paiiisipin ka. Sasabihin mo sa sarili, “Bakit kaya niya sinabi iyon?” Paraan lang yung joke para mapaisip kang mabuti, para makuha mo ang punto niya.
At ang katawan na tinutukoy ni Jesus ay hindi literal o indibidwal na katawan. Naghahalintulad lang siya. Si San Pablo meron din siyang sinabing ganoon—tayo, aniya, ay mga bahagi ng iisang katawan. Meron tayong iba’t ibang mga silbi o gawain pero kabahagi natin ang isa’t isa dahil bahagi tayo ng iisang katawan.
Nasusulat iyon sa 1 Corinthians 12. Nagpapatawa rin siya doon. Sasabihin daw ba ng tenga sa mata, dahil hindi siya mata, wala siyang kinalaman sa kanya o sa ibang bahagi?” Hindi ba mahihirapan ang bibig na sumubo ng pagkain kung hindi siya tutulungan ng mata para makita ang kinakain?
Kapag tumatawid ka ng kalsada, tapos di mo napansin ang paparating na sasakyan, pero bumusina ito at napalundag ka, hindi ba pinun’an ng tenga mo ang pagkukulang ng mata mo at naging paraan ito para mailigtas ang buhay mo? Ang punto, kahit totoong kung minsan nakakainis na talaga ang ibang tao o nakakapagkasala na ang iyong kapwa-tao sa ginagawa niya, hindi naman natin sila basta na lang puputulin o aalisin sa buhay natin, di ba? Lalo na kung ang mga taong iyon ay hindi iba sa atin. Hindi iyan kasing dali ng pag-unfriend sa FB. Isang click lang.
Pwede mo bang saktan ang isang taong mahal mo o kabahagi ng buhay mo na hindi mo nasasaktan ang mismong sarili mo? Hindi nga ba may kasabihan tayong mga Pilipino, “Ang sakit ng kalingkingan ay ramdam ng buong katawan.”
May dagdag pa sa dulo ng ebanghelyo si Jesus. Medyo mahirap na ring intindihin sa panahon natin ngayon: tungkol naman sa asin at apoy. Pinagsama pa nga niya. Sabi niya, “Lahat ay aasinan ng apoy.”
Alam nila noon pa man na panlaban nila sa pagkabulok ang asin at apoy. Para magtagal ang karne noong unang panahon na wala pa silang mga refrigerator, inaasinan nila at pinauusukan ito.
Pero sa Gospel, mas tinutukan ni Jesus ang larawan ng asin. Delikado aniya ang mawalan ng alat sa buhay. Siguro kahit wala pa silang gaanong alam noon tungkol sa biology, kahit sa obserbasyon lang, alam nila na maalat ang luha at pawis ng tao. May asin. Importante ang alat sa buhay, kahit delikado rin naman ang masobrahan nito. Alam nilang kung minsan, kapag kulang sa asin ang tao, pag mababa ang sodium level niya, parang nababalisa siya at minsan hihimatayin pa.”
Kaya sinabi ng Panginoon, “Magkaroon kayo ng asin upang kayo ay maging payapa.” Ang tinutukoy din niya ay ang katawan, ang Santa Iglesya, ang samahan ng mga alagad na may misyon sa daigdig upang maging asin.
Noong unang panahon, sa binyag, bukod sa ritwal ng paglulubog sa tubig at pagbibigay ng ilaw ng nakasinding kandila, inaasinan din nang konti sa bibig ang binibinyagan. Parang ang simbahan ay samahan ng mga “inasinan” upang hindi sila madaling mahawa sa kabulukan at katiwalian na mabilis kumalat sa mundo.
Kapag may sigasig pa rin ang tao, kahit nagkakaedad na siya, sa Pilipino sinasabi natin, MAY ALAT PA SIYA. Iyong alat na tinutukoy ni Jesus at apoy na inilalarawan niya ay hindi negative kundi positive. Ito ay nakapagpapagaling, panlaban sa kasamaan, at nakapagdudulot ng pagkakaisa sa Katawan ni Kristo. Sa araw na ito ng pyesta ng ating Patrona, mga kapatid sa Mission Station ng Birhen ng Kapayapaan dito sa Letre, Malabon. Kung gusto ninyong maging tunay na mapayapa, sana panatilihin ninyo ang inyong alat ng sigasig bilang nagkakaisang mga alagad ni Kristo. May alat pa ba kayo?