320 total views
Mga Kapanalig, matapos ang ilang buwang pagtatalo ng ating mga mambabatas tungkol sa pambansang badyet, pinirmahan na sa wakas ni Pangulong Duterte noong Abril 15 ang Republic Act No. 11260 o ang General Appropriations Act (o GAA) para sa taóng 2019. Naglaan ang pamahalaan ng mahigit 3.6 trilyong piso para sa mga proyektong tutulong magpalago ng ekonomiya, magtataguyod ng kapayapaan at kaayusan sa ating bansa, at maghahatid ng serbisyo lalo na sa mga nangangailangan. Kabilang sa mga ito ang mga proyektong pang-imprastraktura katulad ng Metro Manila Subway na babagtas mula Quezon City hanggang Taguig, at ng Pasig River Ferry Convergence Program na magdadagdag ng 17 istasyon upang mas dumami ang gumamit ng ferry service na ito. Popondohan din ang mga bagong linya ng tren, paliparan, at pantalan sa labas ng Metro Manila, gayundin ang irigasyon para sa mga sakahan. Pinakamalaki ang pondong matatanggap ng sektor ng edukasyon (lalo na’t libre ang pag-aaral sa mga state universities and colleges), at ipagpapatuloy din ng DSWD ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Ayon sa Department of Budget and Management o DBM, ibinase raw ang paglalaan ng pondo ng bayan sa tinatawag nitong cash-based budgeting. Ibig sabihin, ang mga gastusin lamang sa loob ng 2019 ang nakapaloob sa badyet, ngunit kung hindi maiiwasang lumampas ang pagpapatupad ng isang proyekto hanggang 2020, may palugit ang badyet na hanggang Marso ng susunod na taon. Kabaligtaran ito ng obligation-based na badyet kung saan nakapagtatabi ng pondo ang mga ahensya para sa mga gawain at proyekto nila kahit lumapas pa ito sa fiscal year. Sinasabing mas mainam ang cash-based budgeting dahil natitiyak daw nitong may matatapos na proyekto at malinaw na mga benepisyaryo sa loob ng isang taon.
Ginamit din ng pangulo ang kanyang kapangyarihang i-veto o ipawalambisa ang mga probisyon ng pambansang badyet na sa kanyang paniwala ay hindi dapat isama. May 12 probisyon sa isinumiteng badyet ng Kongreso na hindi raw sang-ayon sa mga prayoridad ng administrasyon, katulad ng mga proyektong isiningit sa badyet ng DPWH na aabot sana ng higit sa 95 bilyong piso. Nariyan din ang pagbibigay ng karagdagang pondo sa mga lokal na pamahalaan na bagamat hindi lubusang tinanggal sa badyet ay nilagyan ng kaakibat na kondisyon upang maipatupad. Sa kabila nito, hindi pa rin nawawala ang pagdududa matapos maakusahang may mga isiningit na mga proyekto sa pondo.
Kahit sinasabing “pork-free” na ang badyet ng pamahalaan—ibig sabihin, wala nang pondong ilalaan para sa mga proyekto sa mga distrito ng mga pinapaborang mambabatas ng administrasyon o ng liderato ng Kamara—dapat pa rin nating tutukan ang paggamit ng pondo ng bayan.
Paano itinataguyod ng mga programa at proyekto ng pamahalaan ang dignidad ng bawat Pilipino? Lahat ba ng inaasahang makinabang ay nakikinabang? O baka naman may mga isinasantabi?
Sa sektor ng edukasyon, halimbawa, dapat tiyaking maayos ang kalidad ng edukasyong natatanggap ng mga bata. Ang mga tumatanggap ng ayuda mula sa 4Ps ay dapat na nasusubaybayan upang matiyak na tumutupad ang mga magulang sa mga kaakibat nitong kondisyon katulad ng pag-aaral ng mga anak. Ang mga proyektong imprastraktura, na mahalagang-mahalaga upang umunlad ang ekonomiya, ay dapat na isinasaalang-alang din ang mga pamilyang kailangang ilipat. Dapat ding mapakinabangan ang mga ito ng publiko, hindi lamang ng mga mayayaman at may negosyo.
Sabi nga, mga Kapanalig, sa pastoral letter na “Economic Justice for All” na isinulat ng mga obispo sa Amerika, mahuhusgahan ang anumang hakbang na ginagawa ng mga institusyong katulad ng pamahalaan sa kung paano itinataguyod o isinasantabi ang dignidad ng tao. Sa ganitong diwa natin bantayan ang badyet ng bayan para sa taóng ito.
Sumainyo ang katotohanan.