752 total views
Nagpahayag ng pakikiisa ang Commission on Human Rights (CHR) sa paggunita ng ika-35 anibersaryo ng makasaysayang EDSA People Power Revolution.
Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jacqueline Ann de Guia, mahalaga ang patuloy na pag-alala sa mahalagang bahagi ng kasaysayan ng bansa kung saan nanaig ang tinig at pagkakaisa ng taumbayan laban sa mapang-abusong pamamahala ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Paliwanag ng opisyal, bagamat hindi pa rin ganap na nakakamit ng mamamayang Filipino ang ilan sa mga ipinaglaban ng sambayanan 35-taon na ang nakakalipas ay isa naman itong hamon upang patuloy na pagsumikapan ng kasalukuyang henerasyon na pangalagaan ang bansa mula sa banta ng paniniil.
“Mahalaga ang pag-alala upang hindi tayo makalimot sa monumental na pangyayari sa ating bansa kung saan nanaig ang boses at pagkakaisa ng taumbayan laban sa kalabisan ng kapangyarihan. Bagama’t hindi lahat ng ating aspirasyon bilang bansa ay nakamit natin matapos ang diktaturya, mahalagang mapaalala sa atin na may katapusan ang paghahari ng mga hindi makataong pinuno na sariling interes lamang ang inuuna.” Ang bahagi ng pahayag ni De Guia.
Umaasa rin si Atty. De Guia na patuloy itong magsilbing inspirasyon na sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagkakaroon ng iisang adhikain ay hindi imposibleng maiwaksi ang karahasang nagaganap sa lipunan.
Tiniyak naman ng opisyal ang patuloy na pagsisilbing tagapagbantay ng kumisyon sa mga pagmamalabis o pang-aabuso sa posisyon o kapangyarihan ng sinuman o anumang ahensya ng pamahalaan.
“Bilang isang institusyong ipinanganak matapos ang EDSA People Power Revolution, patuloy na magiging tapat ang Komisyon sa mandato na bantayan ang anumang pagmamalabis sa kapangyarihan ng estado, maging sinuman ang nakaluklok na pinuno.” Dagdag pa ni Atty. de Guia.
Itinatag ang Commission on Human Rights, matapos ang Martial Law noong 1987 sa ilalim ng Article 13, Section 17 at 18 ng Saligang Batas upang matiyak na hindi umaabuso ang pamahalaan at mga ahensya ng gobyerno sa karapatang pantao ng bawat Filipino. Mariin din ang paninindigan ng Simbahang Katolika sa pagbibigay halaga sa karapatang pantao at sa mismong buhay ng bawat nilalang na kaloob ng Panginoon sa sangkatauhan.