490 total views
Mga Kapanalig, dahil sa pandemya, marami sa mga nakasanayang gawin natin katulad ng pag-aaral, pagtatrabaho, pagpapatingin sa doktor, at pamimili ng grocery ay online na. Ngunit pati ang mga bisyong katulad ng pagsusugal ay naging online na rin.
Bagamat matagal nang may online gambling, mas nauso ngayon ang online sabong o e-sabong. Dahil sa pagbabawal na buksan ang mga sabungan upang hindi magkumpulan ang mga tao, nanonood na lamang ang mga sabungero sa kanilang cellphone ng live na laban ng mga panabong na manok, at doon na rin sila nakikipagpustahan at tumataya. Kung ang operasyon ng mga sabungan ay kailangang may pahintulot ng lokal na pamahalaan, ang online sabong naman ay nasa ilalim ng regulasyon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (o PAGCOR). Pinatatakbo naman ng mga tinatawag na agents ang mga platforms kung saan nanonood at tumataya ang mga kasapi nilang sabungero. Hindi rin daw maaaring makapanood ang isang tao nang hindi tumataya. Ayon sa PAGCOR, ang industriya ng sabong ay nagkakahalaga ng 75 bilyong piso, kaya mahirap daw itong mawala lalo na’t may mga kababayan tayong dito kumukuha ng kabuhayan.
Sinabi noon ni Pangulong Duterte na tutol siya sa lahat ng uri ng pagsusugal dahil sa tinatawag na social costs nito o mga epektong nakasisira sa buhay at relasyon ng mga tumataya. Talamak din daw ang game-fixing o dayaan, at mahirap daw para sa gobyernong tiyaking hindi mahuhumaling ang kabataan sa mga ito. Ngunit kamakailan, pinayagan niya ang pagpapatuloy ng online sabong dahil daw sa ipinapasok nitong pera sa ating kaban. Kailangang-kailangan daw ang perang ito upang matustusan ang pagtugon ng pamahalaan sa nagpapatuloy pa ring pandemya at upang mapabilis ang pagbangon ng ating ekonomiyang pinilay ng pandemya. Nakumbinsi siya sa sinabi ng PAGCOR na maaaring umabot sa 8 bilyong piso ang kikitain ng pamahalaan ngayong taon mula lamang sa regulatory fees na babayaran ng mga lisensyadong magsagawa ng e-sabong.
Nakalulungkot isiping mas nangingibabaw sa ating pamahalaan ang perang makukuha mula sa mga nagsusugal kaysa sa nakababahalang epekto nito sa mga tao. Halimbawa, hanggang ngayon ay hinahanap pa rin ang mahigit sa 30 taong sangkot sa e-sabong na nawawala. Mayroon pang balita tungkol sa isang magulang na ibinenta ang sarili niyang anak sa halagang ₱45,000 para mabayaran ang inutang niyang perang ipinantaya sa online sabong. Ilan lamang ang mga ito sa mga nakababahala at nakatatakot na bunga ng pagkalulong sa sugal, ngunit handa ang ating pamahalaang isantabi ang mga ito kapalit ng sinasabing maidadagdag nito sa pondo ng bayan.
Kung dagdag na pondo din lang ang pag-uusapan, bakit hindi na lang habulin ng pamahalaan ang mga malalaking tao at negosyong hindi nagbabayad ng tamang buwis? Bakit hindi nito wakasan ang katiwaliang naglalagay ng pera ng bayan sa bulsa ng mga sakim na tao sa gobyerno? Ang pag-iwas sa pagbabayad ng buwis at korapsyon ay ilan lamang sa mga itinuturing ni Pope Francis sa kanyang ensiklikal na Evangelii Gaudium na ugat ng kawalan ng kakayahan ng mga pamahalaang tiyaking nakikinabang ang lahat sa bunga ng kaunlaran. Siguradong mas malaki pa ang kikitain ng pamahalaan mula sa paghabol sa mga tumatakas sa pagbabayad ng buwis at sa mga kurakot, kaysa sa kitang mula sa pagsusugal, na iilan lamang ang nakikinabang at sumisira sa buhay ng ating mga kababayan.
Mga Kapanalig, katulad ng sinasabi sa Mga Taga-Efeso 4:28, tayo, lalo na ang ating mga lider, ay tinatawagang “igawa ang [ating] mga kamay na mabuting bagay nang may maibigay sa nangangailangan.” Huwag lang tayong umasa sa mga bagay na magbibigay nga ng mabilis na pera, ngunit sumisira naman sa ating buhay at dignidad.