271 total views
Nalalaman at nakikita ng Diyos ang lahat ng mga ginagawa at laman ng puso ng bawat isa.
Ito ang paalala ni Fr. Angel Cortez, executive secretary ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) sa mga opisyal o mga nasa kapangyarihan na umaabuso sa kanilang posisyon.
Paliwanag ng Pari, anumang kasalanan o pang-aabusong ginagawa ng ninuman sa kanyang kapwa ay nakikita ng Panginoon at sa takdang panahon ay mayroon ding kaparusahang kapalit at kanilang pananagutan ang mga nagawang pagkakasala.
“Kaya yung mga kababayan natin na nasa katungkulan, nasa kapangyarihan, kapulisan, pulitiko o sinuman, hindi natutulog ang Diyos nakikita niya kung ano ang inyong ginagawa, nakikita ng Panginoon kung ano ang laman ng puso mo kung ikaw man ay nagkasala ngayon sigurado pananagutin ka ng Panginoon para panagutan yung lahat ng gagawin mo lalong lalo na yung pagyurak sa karapatang pantao at saka sa maliliit,” ang bahagi ng paghayag ni Fr. Cortez sa panayam sa Radio Veritas.
Nauna ng inihayag ng Pari na ang anumang kapangyarihan o posisyon at katungkulan sa pamahalaan ay panandalian lamang.
“Ang kapangyarihan panandalian lang yan, alam naman natin na ang pinakamakapangyarihan sa mundo ay ang Panginoon, napakagandang matuto sila sa nangyari sa mga Ampatuan na humawak ka man ng posisyon ng ilang taon at abusuhin mo yung posisyon mo mananagot at mananagot ka,” dagdag pa ni Fr. Cortez.
Matatandaang ika-19 ng Disyembre taong 2019 mahigit isang dekada mula ng maganap ang Maguindanao Massacre noong November 23, 2009 ay tuluyan ng nahatulan ang mga nasa likod ng krimen na pawang kabila sa prominenteng pamilya ng mga pulitiko sa Mindanao.
Makalipas naman ang ilang buwang pagsusuri ng Department of Justice sa usapin ng “ninja cops” o ang pagre-recycle ng mga ilegal na droga ay inirekomenda ng kagawaran na makasuhan ang 13 pulis na kabilang sa maanomalyang drug operations na naganap sa Pampanga noong 2013 kabilang na ang dating Hepe ng Pampanga Police na si dating Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde.
Batay sa panlipunang katuruan ng Simbahan Katolika ang isang mabuting lider ay nagpapaalipin, nagpapakumbaba at tunay na naglilingkod sa taumbayan at sa kanyang mga nasasakupan ng walang halong sariling interes sa kanyang panunungkulan.