23,683 total views
Mga Kapanalig, sinasabi sa mga panlipunang turo ng Simbahan na sa isang demokratikong estado, ang mga may pulitikal na kapangyarihan ay nananagot sa taumbayan. Nakasaad din ang prinsipyong ito sa ating Saligang Batas: ang mga pampublikong gampanin o opisina ay mula sa tiwala at kapangyarihan ng taumbayan. Ito ang tinutungtungan ng mga nagsampa ng reklamo para ipa-impeach si Vice President Sara Duterte.
Noong ikalima ng Pebrero, in-impeach ng Mababang Kapulungan ng Kongreso si VP Sara. Lumagda ang 215 na kongresista upang pormal na maihain ang pitong articles of impeachment. Ayon sa Saligang Batas, kinakailangan lamang ng one-third ng mga mambabatas sa Kamara, o 103 sa mga kasalukuyang kongresista, upang ma-impeach ang matataas na opisyal ng gobyerno. Kabilang sa pitong articles of impeachment na inihain ay ang maling paggamit ng 612.5 milyong pisong confidential and intelligence funds, panunuhol at korapsyon noong education secretary pa si VP Sara, at ang tahasang pagbabanta niya sa buhay ng matataas na opisyal ng pamahalaan, partikular na si Pangulong Bongbong Marcos Jr. Nag-ugat ang impeachment complaint na ito sa pagkilatis ni ACT Teachers representative France Castro at ng Commission on Audit sa paggamit ng DepEd sa pondo nito noong 2023 hanggang 2023.
Mula nang maibalik ang demokrasya matapos ang EDSA People Power Revolution noong 1986, si VP Sara Duterte ang unang bise presidente at ang ikalimang opisyal na haharap sa isang impeachment complaint. Ilan sa mga makasaysayang impeachment ay ang kina dating Pangulong Joseph Estrada noong 2001 (na naging dahilan ng tinaguriang “EDSA Dos”) at dating Chief Justice Renato Corona noong 2012.
Dapat nating ipagmalaki ang sistema ng batas sa ating bansa dahil pinahuhuntulutan ng ating Saligang Batas na mapanagot ang mga matataas na opisyal ng ating pamahalaan na nasasangkot sa katiwalian o anumang maling gawain. Sinasabi sa Article 11 ng ating Saligang Batas na “public office is a public trust.” Ibig sabihin, ang ating mga opisyal ay pinagkatiwalaan ng publiko na gawin ang kanilang mandato nang buong katapatan at walang bahid ng korapsyon o katiwalian. Kung hindi, dapat silang managot sa taumbayan. Isang paraan ng pagpapanagot ang impeachment.
Kaya ang usaping impeachment ay dapat ituring na higit pa sa pamumulitika o paninira. Ito ay pagpapakita na sinumang opisyal ng pamahalaan ay hindi nakahihigit sa ating mga batas. No one is above the law. Dapat silang managot sa atin. Ngayong nagsimula na ang kampanya para sa eleksyon, mas dapat umigting ang gampanin nating panagutin ang ating mga opisyal at pairalin ang katapatan at katuwiran.
Sa kalagayan ngayon ng ating pulitika sa Pilipinas, may mga nagsasabing tila napakalabo nang panagutin ang ating mga opisyal na lumalabag sa batas o sangkot sa katiwalian. Maraming pulitiko ang miyembro ng mga political dynasties, mga walang malinaw na plataporma, mga nadadawit sa katiwalian, at ang iba pa nga ay mga convicted na mga kriminal. Kaya sa darating na halalan sa Mayo, mahalagang suriin natin ang mga napupusuan nating kandidato, partikular sa pagkasenador, dahil magsisilbi silang hukom sa impeachment court na didinig sa kaso ni VP Sara. Ang mga ihahalal ba natin at mananalong senador ay uunahin ang pananagutan at hustisya ng taumbayan sa impeachment na ito? O paiiralin lang ba nila ang kanilang palipat-lipat na katapatan, pansariling interes, o kawalan ng paninindigan para sa kanilang pulitikal na pakinabang?
Mga Kapanalig, nalulugod ang Diyos kapag ang kanyang bayan Niya ay namumuhay sa katarungan at kaayusan. Nawa’y ipaglaban natin sa impeachment at sa eleksyon ang katarungan. Pinaalalahanan nga tayo ng Kawikaan 21:15 na “kapag umiiral ang katarungan, natutuwa ang matuwid, ngunit nalulungkot ang masama at may likong pag-iisip.”
Sumainyo ang katotohanan.