278 total views
Mga Kapanalig, ikinabahala marahil ng mga nagtutulak ng pederalismo ang resulta ng pinakahuling survey ng Pulse Asia kung saan tinanong ang mga respondents tungkol sa pagpapalit ng ating sistema ng pamahalaan at pagbabago ng ating Konstitusyon.
Sa naturang survey na ginawa noong huling bahagi ng Marso, lumitaw na 66% o halos 7 sa bawat 10 Pilipino ang tutol na gawing pederal ang sistema ng ating pamahalaan, kung saan hahatiin ang bansa sa iba’t ibang estado na may kani-kaniyang patakaran at may limitadong kontrol ang pambansang pamahalaan. Anuman ang katayuan ng pamumuhay ng mga respondents, mas marami ang hindi pabor na palitan ang kasalukuyang sistema sa ngayon. Mas marami—36%—ang mga nagsabing hindi dapat kailanman palitan ang sistema ng ating pamahalaan kaysa sa mga nagsabing bukás sila sa ganitong pagbabago ngunit hindi sa ngayon—mga 30%. Mas dumami rin ang mga hindi payag na amyendahan ang Saligang Batas ng 1987—mula 44% noong 2016, umakyat ito sa 64% ngayong 2018. Gayunman, marami pa rin sa ating mga Pilipino ang kulang o walang kaalaman tungkol sa nilalaman ng Konstitusyon.
Ano ang ipinahihiwatig ng survey results na ito ng Pulse Asia?
Para sa administrasyon, salamin daw ito na kulang pa ang kanilang ginagawa upang ipaalam sa mga Pilipino ang mga benepisyo at positibong bunga ng pederalismo. Ito ay sa kabila ng malaking ginagastos ng DILG para sa mga pa-meeting sa mga barangay kung saan, ayon sa ating mga naririnig, puro lamang magagandang bagay tungkol sa pederalismo ang ipinaliliwanag.
Para naman sa mga grupong tumututol sa pederalismo at Charter change, ipinakikita ng resulta ng survey na nalilinawan na ang mga mamamayan tungkol sa maitim na adyenda ng mga nagtutulak ng pederalismo at ng pagpapalit ng Konstitusyon.
Hindi kaya, mga Kapanalig, ipinakikita rin ng survey results na may ibang mas mahalagang isyu at pangangailangan ang bayan na dapat bigyan ng pansin ng ating pamahalaan?
Sa mas naunang survey na ginawa ng Pulse Asia, hindi concern o alalahanin ng mga Pilipino ang pagbabago ng ating Saligang Batas. Nasa dulo ito ng listahan ng mga kagyat o urgent na national concerns ng mga Pilipino. Nangunguna sa listahan ang mga ‘ika nga’y “malapit sa sikmura” ng mga Pilipino: pagtataas sa sahod ng mga manggagawa, pagkontrol sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin o inflation, at pagkakaroon ng maraming trabaho. Tiyak na matutugunan natin ang mga ito kahit hindi natin baguhin ang ating Konstitusyon o ang sistema ng ating pamahalaan.
Walang pinapaborang iisang sistema ng pamahalaan ang Simbahan, ngunit sa kasalukuyan nating kalagayan—kung saan marami ang hindi pinapasahod nang sapat, marami ang umaaaray sa nagtatataasang presyo ng bilihin, at marami ang walang disenteng hanapbuhay—kikiling ang Simbahan sa mga nananawagan sa pamahalaang unahin ang kapakanan ng mga mamamayan, lalo na ng mahihirap.
Sabi nga sa Catholic social teaching na Mater et Magistra ni St John XXIII, ang kagalingan ng lahat (o common good) ang nagbibigay-katwiran sa lahat ng hakbang ng pamahalaan. Ang kapangyarihang nasa kamay ng mga taong pinagkatiwalaan nating pangasiwaan ang pamahalaan ay dapat na ginagamit sa pagsusulong, hindi ng kanilang interes, kundi ng interes ng mga mamamayan—gaya ng pagtiyak na patas ang mga negosyante sa kanilang mga manggagawa, ng pagpapanatiling abot-kaya ang halaga ng mga pangunahing bilihin, at ng pagpapaunlad ng ekonomiya upang dumami ang trabaho.
Mga Kapanalig, tiyak naman tayong ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng magagawa nito upang matugunan ang mga prayoridad ng mga Pilipino, ngunit marami pa itong magagawa gamit ang pondo at panahong inilalaan sa mga bagay na hindi naman nakapagbibigay ng trabaho at hindi naman napapakain ang mga nagugutom.
Sumainyo ang katotohanan.