361 total views
Mga Kapanalig, sa mga panahong nakararanas ng pagsubok ang inyong pamilya, may mga pagkakataon bang nawawala ang mga inaasahan ninyong makatuwang sa paghahanap ng solusyon sa inyong mga problema?
Hindi nalalayo ang ganitong scenario kapag nahaharap ang ating bayan sa isang sakuna o krisis. At sa mga ganitong pagkakataon, inaasahan natin ang pangulo bilang ama—o ina—ng ating bansa na magbibigay sa atin ng lakas ng loob at ng katiyakang bubuti rin ang ating kalagayan. Sa tuwing nasasalanta tayo ng malalakas na bagyo at marami tayong mga kababayang lumubog sa baha, nawalan ng bahay, o namatayan ng mahal sa buhay, hindi ba’t marapat lamang na nariyan ang ating pinunong mangunguna sa paghahanap ng paraan upang maibsan ang hirap na ating pinagdaraanan? Kaya dapat lamang na tanungin natin: nasaan ang pangulo?
Ngunit para kay Senador Robin Padilla, ang pagtatanong kung nasaan ang pangulo ay isang “national threat”. Ang paghingi raw ng impormasyon tungkol sa lokasyon ng presidente ng Pilipinas ay isang banta, ngunit hindi naman niya nilinaw kung bakit mapanganib na malaman ng publiko kung nasaan ang ama ng bayan. Mistulang nasaktan ang senador sa aniya’y mga tsismis na wala sa Pilipinas si Pangulong Bongbong Marcos noong kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Paeng noong Oktubre. Kasama raw niya ang presidente sa Cotabato noong mga panahong iyon, ngunit hindi man lang daw siya tinanong ng Office of the President na hindi makapagbigay ng malinaw na impormasyon kung nasaan nga ba ang pangulo. Inakala daw tuloy ng mga naapektuhan ng bagyo sa BARMM na “pinabayaan sila ng Pangulo ng Pilipinas.”
Ang mga nagpapakalat daw ng malisyosong impormasyon kung nasaan ang pangulo ay nagpapakalat daw ng fake news. At kumbinsido si Senador Padilla na hindi sapat ang mga umiiral na batas upang parusahan ang mga nasa likod ng tinatawag na misinformation at disinformation. Ngunit kung magkasama naman pala ang senador at ang pangulo noong nananalasa ang Bagyong Paeng at alam nilang hinahanap ang pangulo, bakit hindi ito agad na ipinaalam sa publiko ng mismong opisina ng presidente o ni Senador Padilla? Madali naman nang magpadala ng impormasyon sa pamamagitan ng social media.
At mabalik tayo sa usaping fake news. May magpaalala sana kay Senador Padilla na noong panahon ng kampanya at eleksyon, si Pangulong Marcos Jr ang nakinabang sa mga positibo ngunit nakalilinlang na mga impormasyon sa social media. Ito ay ayon sa grupong Tsek.ph na binubuo ng mga mananaliksik at propesor. Wala namang nagsasabing sangkot ang kampo ng presidente sa pagpapakalat ng fake news tungkol sa kanya, ngunit kung seryoso ang senador na solusyunan ang problema ng fake news, hanapin sana niya ang ugat nito, sinu-sino ang nasa likod ng mga ito, at paano palalakasin ang kakayahan ng mga Pilipinong alamin kung tama o mali ang impormasyong nababasa, napapanood, o natatanggap nila. Ayon nga sa survey ng Pulse Asia, siyam sa sampung Pilipino ang sang-ayong problema ang fake news sa Pilipinas.
Mga Kapanalig, minsang sinabi ni Pope Francis na ginagawang kasabwat ng kasamaan ang sinumang nagpapakalat ng fake news. Ang tagapagkalat ng mapanlinlang na impormasyon ay tila ba ang ahas sa Genesis 3:1-6 na tinukso si Eba na kainin ang bunga ng puno sa gitna ng hardin upang sila ay maging parang Diyos na nalalaman ang mabuti at masama. Ngunit maging mapagbantay din tayo kung totoo nga bang nababahala ang ating mga lider sa fake news o kung ginagamit ba nila ito upang palabasing sila ang biktima ng fake news. Maging mapagbantay tayo kung ginagamit nila ang kanilang kapangyarihan upang bansagang tagapagpakalat ng fake news ang mga naghahanap at nagsasabi ng katotohanan. Ito ang totoong national threat.