800 total views
Mga Kapanalig, sa huling “social weather survey” ng Social Weather Stations o SWS, may aninag ng pag-asa tayong makikita. Mas nakararami ang nagsabing marami silang nakikitang pang-aabuso sa karapatang pantao sa pagtakbo ng giyera ng administrasyon laban sa illegal na droga o “war on illegal drugs”—76% ng kanilang mga kinausap sa survey. Malayo ito sa 24% ng mga Pilipinong nagsabing kaunti lamang ang nakikita nilang paglabag sa karapatang pantao ng mga tinatarget ng marahas na giyera ng pamahalaan laban sa droga.
Hindi na natin marahil naririnig sa mga “nagbabagang ulo ng mga balita” ang isyu ng pagpatay at paglalagay ng batas sa kamay ng mga tagapagpatupad ng batas sa tuwing nagsasagawa sila ng operasyon sa mga maralitang komunidad. At ito ang nakalulungkot dahil bagamat mas kaunti na ang mga kaso nitong mga huling buwan o taon, mayroon pa ring mga buhay na naisasantabi dahil sa giyerang sinimulan ng administrasyon bilang pagtupad sa pangakong mabubura ang droga sa ating bayan sa loob ng anim na buwan. Tatlong taon mahigit na ang administrasyon ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin natutuldukan ang problema nating ito. Tikom ang bibig ng mga masugid na tagasuporta ng pangulo sa kabiguan ng administrasyong mawala ang ilegal na droga sa bansa, bagamat may mga naniniwalang ang “golpe de gulat”, ‘ika nga, na nilikha ng kampanya kontra droga ay nagbunga ng pagkabawas sa bilang ng mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Ngunit masasabi nating aninag ng liwanag ang paniniwala ng mas nakararaming Pilipino na may mga pang-aabuso sa karapatang pantao sa pagpapatupad ng “war on drugs” ng administrasyon. Mahalaga ang datos na ito dahil may mga nakauunawa pa pala sa ating mga kababayan na may mali sa kung paano sugpuin ng pamahalaan ang problema natin sa droga. Nakikita nilang may mga biktima, may mga hindi nabigyan ng pagkakataong humarap sa batas upang ipagtanggol ang sarili at malitis nang patas. Makita rin sana nating hindi lamang ang mga duguang katawan ng mga biktima ang ating nakikitang patunay ng kawalan ng paggalang sa karapatang pantao sa ating bansa. Nariyan ang karapatan ng mga pamilyang kanilang naiwan—mga asawang nawalan ng katuwang sa buhay, mga anak na mas lumabo ang kinabukasan, mga pamilyang napilayan ang kabuhayan at dumaranas ng kabalisaan sa kanilang pag-iisip dahil sa karasahang nakita at trauma na kinikimkim nila sa kanilang kalooban.
Sinasabi sa Roma 13:1 ang tungkulin nating mga mamamayan sa mga pinuno ng bayan: “Magpasakop kayong lahat sa mga namumuno sa pamahalaan, sapagkat ang lahat ng pamahalaan ay nagmula sa Diyos, at siya ang naglagay sa mga namumuno sa kanilang pwesto.” Ngunit hindi ito nangangahulugan ng bulag na pagsunod sa ating mga lider. Sabi nga ni Pedro at ng iba pang mga apostol, gaya ng nasusulat sa Mga Gawa 5:29, “Sa Diyos kami dapat sumunod, at hindi sa tao.” Hindi tayo inuudyukang sumuway o kumalaban sa mga inihalal ng bayan, ngunit dapat nating tandaang sa dulo ng lahat ay ang Diyos—ang Diyos ng buhay, ang Diyos ng katotohanan. Kung ang isang pamahalaan ay pinatatakbo ng mga taong walang pagkilala sa katotohanan ng karapatang pantao, masasabi pa ba nating galing ang kanilang awtoridad sa Diyos?
Mga Kapanalig, sa pagkilala ng marami sa atin sa mga pang-aabuso sa karapatang pantao sa ilalim ng madugong “war on drugs”, masasabi nating kahit papaano ay may pag-asa pang umiral ang isang lipunang gumagalang sa karapatang pantao. Ngunit, gaya ng ng paalala ni Pope Francis sa Amoris Laetitia, ang kagustuhan nating igalang ang karapatan ng bawat isa sa atin ay hindi dapat humantong sa paghihiganti sa mga lumalabag nito kundi sa isang makatwirang pagtatanggol sa ating dignidad.