359 total views
Mga Kapanalig, para kay Vice President at Department of Education Secretary Sara Duterte, “pointless” o walang saysay ang malawakang transport strike noong isang linggo. Sinabi niya ito kasabay ng pagbatikos niya sa pagsuporta sa strike ng ACT Teachers, isang party-list na kumakatawan sa mga guro sa Kongreso. Ayon sa bise presidente, sagabal ang strike sa mga ginagawa ng kagawaran upang isaayos ang sektor ng edukasyon.
Isinagawa ng mga tsuper at operators ng dyip ang strike upang mabigyang-pansin ang kanilang mga hinaing sa pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (o PUVMP). Sa ilalim kasi ng programa, kailangang maging miyembro ng isang samahan o kooperatiba ang mga tsuper at operators. Papalitan din ang mga lumang dyip ng “modernong” yunit na sinasabing mas episyente at makakalikasan. Nagkakahalaga ang isang modern jeep ng 2.8 milyong piso, ngunit hanggang limang prosiyento lamang ng halagang ito ang handang sagutin ng pamahalaan.
Dahil dito, nananawagan ang mga tsuper, operators, at maging mga commuters para sa mas makatarungang transition. Nais nilang dagdagan ng pamahalaan ang subsidiya nito upang makayanan ng mga drivers ang paglipat sa modernong dyip. Sinasabing magiging paborable rin ito sa mga mananakay dahil sila ang sasalo sa pamamagitan ng mas mataas na pamasahe kung hindi ibababa ang presyo ng modernong dyip. Panawagan din ng mga tsuper at operators na mabigyan sila ng sapat na panahong maging miyembro ng samahan o kooperatiba. Sa kabila ng mga lehitimong panawagan na ito, itinuturing ng bise presidenteng walang saysay ang strike.
Tugon ni ACT Teachers Representative France Castro, maging sensitibo sana ang mga opisyal ng gobyerno sa nararanasan ng kanilang mga nasasakupan. Tanong pa niya, naranasan na ba ng mga [opisyal na ito ang maghapong pagtatrabaho ng mga tsuper para sa kakarampot na kita o hindi kaya ang pumila nang mahaba o sumabit sa jeep para lamang makapasok sa trabaho o makauwi? Bagamat sa palagay ng bise presidente ay walang saysay ang strike, naging oportunidad ito upang mapag-usapan at marinig ang hinaing ng mga tsuper, operators, at commuters ukol sa PUVMP. Sa halip na buong linggo, nahinto ang strike noong Miyerkules matapos makipagpulong ng ilang lider ng transport groups kina Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil at Office of the Executive Secretary Undersecretary Roy Cervantes. Sa pamamagitan nila, nangako daw ang pangulong muling pag-aaralan at rerepasuhin ang PUVMP.
Naniniwala ang Simbahang ang pagsasagawa ng strike ay isang lehitimong paraan upang maisulong ang karapatan ng mga manggagawa katulad ng mga tsuper. Ang strike ay isang mapayapa at sama-samang pagtutol ng mga manggagawang maghatid ng serbisyo nang mapilitan ang kanilang mga employers, ang estado, at ang publikong pakinggan ang kanilang mga hinaing at pag-igihin ang kanilang kalagayan sa paggawa. Ito ay isang uri ng ultimatum upang manawagan o ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawa.
Kaya naman, hindi maituturing na walang saysay ang nagdaang strike. Isinagawa ito ng mga tsuper at operators para sa kanilang hanapbuhay. Hindi madali ang desisyong magsagawa o makilahok sa strike dahil sila mismo ay walang kikitain, ngunit ginawa nila ito upang maisulong ang kanilang mga karapatan. Bahagi ito ng pagtataguyod nila sa kanilang dignidad, pakikilahok sa buhay ng lipunan, at pag-aambag sa kabutihang panlahat. Hindi ba’t makikinabang din ang maraming mananakay sa mas mababang presyo ng pamasahe?
Mga Kapanalig, katulad ng sinasabi sa 1 Corinto 12:26-27, “Kapag naghihirap ang isang bahagi, lahat ay naghihirap na kasama niya…[sapagkat] kayo nga ang katawan ni Kristo, at ang bawat isa’y bahagi nito.” Bantayan natin ang pagrerepaso sa PUVMP. Makinig sana ang pamahalaan sa mga tsuper at operators ng jeep para sa isang mas makatao at makatarungang modernization program.
Sumainyo ang katotohanan.