216 total views
Hinimok ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang mamamayan na magkaisang umapela kay Pangulong Rodrigo Duterte na ayusin ang sistemang pangkatarungan sa bansa at pigilan ang pagbabalik ng parusang kamatayan.
Sa pagninilay ng Obispo sa social media sinabi nitong hindi kinakailangan ang death penalty upang maiwasan ang kriminalidad sa halip paigtingin ang mga kasalukuyang batas na umiiral sa bansa sa pagbibigay parusa sa mga lumalabag dito.
“Let us all appeal to our president and leaders of the government: Please improve our police system, justice system, and penal system before thinking of restoring the death penalty,” pahayag ni Bishop Uy.
Paliwanag ng Obispo mas mahalagang mahuli, mapanagot sa batas ang mga nagkakasala sa pamamagitan ng pagbilanggo upang tuluyang pagbayaran at pagsisihan ang pagkakamaling nagawa.
Aniya, kung maipatutupad sa wastong pamamaraan ang mga batas sa Pilipinas tiyak malulutas ang kriminalidad at iiral ang katarungan sa bawat mamamayan nang pagkakapantay-pantay.
“What is important is the assurance that any person who commits a crime will be caught, imprisoned, and duly punished,” ani ng Obispo.
Giit ni Bishop Uy na lubhang mapanganib ang pagkakaroon ng death penalty lalo’t patuloy na umiiral ang korapsyon at katiwalian partikular na kung ang lumalabag sa batas ay mga makapangyarihan at mayayaman na kayang bilhin maging ang sistemang pangkatarungan sa bansa.
“Death penalty will be very dangerous to our ordinary and poor Filipinos; [kon maot ang atong sistema, ilabi na gyod ang atong justice system] kung hindi maganda ang sistema lalo na sa ating justice system,” giit ni Bishop Uy.
Sa paggunita ng World Day Against Death Penalty noong 2018 muling nanindigan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care laban sa pagbabalik ng parusang kamatayan at iginiit na dapat pahalagahan ang kasagraduhan ng buhay ng bawat indibidwal.
Sa pagbuhay ng panawagang ibalik ang death penalty para sa heinous crime sa ika – 18 Kongreso tiniyak naman ni Buhay partylist representative Lito Atienza na patuloy itong manindigan laban sa death penalty katuwang ang simbahan at iba’t bang pro-life groups.
Batay sa datos ng World Coalition Against the Death Penalty, umaabot na sa 107-bansa ang nagbuwag ng parusang kamatayan kabilang na ang Pilipinas sa ilalim ng administrasyong Arroyo.