408 total views
Hindi makatarungang magdusa ang maliliit na bansa tulad ng Pilipinas dahil sa epekto ng climate change na likha ng mas mauunlad na bansa.
Ito ang iginiit ni Rev. Fr. Edwin Gariguez, Exec. Secretary ng CBCP NASSA/Caritas Philippines kaugnay sa tumitinding epekto ng climate change sa ibat ibang bahagi ng mundo.
Ayon sa pari, dahil sa labis na carbon emission ng mauunlad na bansa, nagdurusa naman sa extreme weather disturbances ang mga 3rd world countries dahil sa kakulangan ng kakayahan nitong maka-adapt sa pagbabago ng panahon.
Dahil dito, sinabi ni Father Gariguez na nararapat na bigyan ng tulong ang mga maliliit na bansa kaugnay sa climate change adaptation.
“Yung mga maliliit na mga bansa mga mahihirap na hindi naman ganun kalaki ang kontribusyon sa global warming ay wag parusahan kundi mas higit na bigyan ng tulong lalo’t higit sa climate adaptation para din maging mas resilient yung mga communities na apektado,” pahayag ni Fr. Gariguez sa Radyo Veritas.
Batay sa Global Climate Risk Index, simula 1996 hanggang 2015 ay pang-lima ang Pilipinas mula sa sampung mga bansang tinukoy na pinaka naaapektuhan ng Climate Change.
Dahil dito, hinimok ng Kanyang Kabanalan Francisco ang lahat ng mga bansa mayaman man o mahirap na magtulungan upang mapigilan ang tuluyang pagkasira ng mundo.
Iginiit ng Santo Papa na kung magpapatuloy ang pagkasira ng kalikasan ay babalik din sa tao ang mga paghihirap dahil sa mga sakunang idudulot nito.