12,722 total views
Mariing tinututulan ng Diyosesis ng Legazpi ang panukalang “Mayon Volcano Heritage Aesthetic Lighting Project” na layong palakasin ang turismo at ekonomiya ng Albay.
Sa inilabas na pahayag, iginiit ni Bishop Joel Baylon at ng mga pari ng diyosesis na hindi na kailangang liwanagan ang Bulkang Mayon dahil likas na itong maganda at kamangha-mangha.
Anila, ang paglalagay ng ilaw sa mga dalisdis ng bulkan ay hindi maituturing na pagpaparangal kundi panghihimasok sa likas nitong kalagayan.
“Mayon does not need to be lighted up. She needs to be left alone. Mayon is already one of the most magnificent expressions of God’s creation—not because of what we add to her, but because of what she already is,” ayon sa pahayag ng Diyosesis ng Legazpi.
Ipinahayag din ng diyosesis ang labis na pagkabahala sa paggamit ng pondo ng bayan, lalo na’t patuloy na kinakaharap ng mga residente ng Albay ang kakulangan ng kuryente, mahinang imprastraktura, at kaunlarang magpahanggang ngayon ay hindi pa rin natutupad.
Sa halip, iminungkahi ng lokal na simbahan na ilaan ang pondo sa mas makabuluhang proyekto tulad ng pagpapailaw sa mga kalsada sa lalawigan at mga pamayanan upang maiwasan ang mga aksidente sa gabi at mapigilan ang krimen.
Binigyang-diin din ng diyosesis ang pangangailangang tugunan ang mas malalalim na suliranin sa lalawigan tulad ng quarrying, pagtatapyas ng mga bundok, at hindi makatarungang paggawa ng mga kalsada–mga proyektong madalas isinasagawa nang walang konsultasyon o pahintulot mula sa mga apektadong pamayanan.
“We urge our leaders to listen—not only to experts and environmentalists, but to the people who live in the shadow of this volcano… Let Mayon remain as she is: mysterious, beautiful, and free. Let us light up instead our communities with justice, sustainability, and truth—not floodlights aimed at a volcano that never asked for them,” giit ng Diyosesis ng Legazpi.
Kasunod naman ng pahayag ng diyosesis, inanunsyo ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) ang pagbawi sa P500-milyong proyekto, bilang tugon sa mga pangamba ng mga stakeholder at ahensya ng pamahalaan.