955 total views
Ikinalugod ng tagapangasiwa ng Arkidiyosesis ng Maynila ang pagkakaisa ng mga lider ng lunsod ng Maynila upang gunitain ang anibersaryo ng pagkakatatag.
Sa ‘Misa Pasasalamat’ ng lunsod na ginanap sa Minor Basilica of the Immaculate Conception o Manila Cathedral, sinabi ni Bishop Broderick Pabillo na makahulugan at magandang pagkakataon ang pagsama-sama ng mga kawani at opisyal ng lunsod dahil ito ay tanda ng pagpapaubaya sa Diyos sa lahat ng kinakaharap sa pamamahala lalo na sa kasalukuyang sitwasyon sa gitna ng pandemya.
“Magandang tayo’y nagsama-sama ngayon kinikilala ang pagkakatatag ng ating lunsod, tayo’y magdasal, manalangin sa Diyos na tulungan tayo. Pinaubaya natin sa kamay ng Diyos ang mga ginagawa at humingi ng bendisyon sa Kanya,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo.
Ayon sa obispo, sa panahong humaharap ang bansa at ang buong daigdig sa krisis na dulot ng pandemic COVID-19 napakamakabuluhan ang paninikluhod sa Panginoon upang hingin ang Kanyang paggabay na malampasan ng bawat mamamayan ang epektong idinudulot nito. Ang pagdiriwang ng Araw ng Maynila ay kasabay rin ng Dakilang Kapistahan ni San Juan Bautista ang na siyang nauna at naghanda sa daraanan ni Hesus upang ipaalam sa mamamayan ang Kanyang pagdating.
Batay sa kasaysayan ika – 24 ng Hunyo 1571 nang maitatag ang Manila sa pangunguna ni Spanish Explorer Miguel Lopez de Legazpi kung kaya’t bahagi ng selebrasyon ng ika – 449 na anibersaryo ay pinangunahan ni Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Honey Lacuna ang wreath laying sa libingan ni Legazpi sa San Agustin Church sa Intramuros Manila.
Panawagan pa rin ng alkalde sa mamamayan ng lunsod ang pagkakaisa at pagtutulungan upang mapagtagumpayan ang bawat hamon ng pagpapaunlad sa kapakinabangan ng mahigit sa 13-milyong mamamayan ng lunsod.
“Patuloy pa rin ang paghikayat natin sa mga Manileño na tulong-tulong tayo upang umusbong at lumago ang ating lunsod,” pahayag ng alkalde.