317 total views
July 8, 2020, 10:16AM
Nagpasalamat si Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pakikiisa sa muling pagbubukas ng mga simbahan sa mas maraming bilang ng mananampalataya.
Ito ay kasunod ng sulat na ipinadala ni Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa arkidiyosesis kung saan suportado nito ang pagpayag ng Inter Agency Tasks Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na 10-porsiyento ng kapasidad ng simbahan ang maaring makadalo sa church services.
Isinasaad sa liham ng alkalde na dapat mahigpit na sundin ng simbahan ang mga safety health protocols na ipinatutupad upang maiwasan ang pagkahawa sa corona virus disease.
“Please consider this writing as the city’s expression of non-objection to your religious gatherings provided that all the requirements and conditions set forth in the aforequoted provision are duly observed and complied with,” bahagi ng liham ni Mayor Domagoso kay Bishop Pabillo.
Naunang pinasalamatan at pinuri ni Bishop Pabillo ang I-A-T-F nang pahintulutan ang sampung porsyentong kapasidad sa mga simbahan na nasa lugar ng General Community Quarantine kabilang na ang National Capital Region mula sa dating 10-katao lamang.
Binigyang diin ng obispo na nakahanda na ang mga pari sa buong arkdiyosesis upang tumanggap ng mas maraming bilang ng mananampalataya sa mga parokya kasabay ng pagpapatupad ng mga safety protocols tulad ng physical distancing, paglalagay ng foot bath at alcohol sa mga simbahan.
Sinabi ni Bishop Pabillo na naaangkop ang bagong panuntunan ng I-A-T-F at go signal ni Mayor Isko sa mga mananampalataya na nais dumalo sa mga banal na pagdiriwang araw-araw lalo na sa Linggo.
Ipatutupad ang sampung porsyentong kapasidad sa mga simbahan sa ika – 10 ng Hulyo base sa anunsiyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque.