13,710 total views
Naniniwala ang EcoWaste Coalition na matutugunan ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang laganap na pagbebenta ng ilegal na skin lightening products sa mga pamilihan sa lungsod.
Ito’y matapos na ibahagi ng grupo kay Manila City Mayor Honey Lacuna ang mapa na makakatulong upang mapabilis ang pagtukoy sa mga tindahang nagbebenta ng mga ipinagbabawal na produkto.
Ayon kay EcoWaste national coordinator Aileen Lucero, malaki ang kanilang pag-asa kay Lacuna na kabilang sa kanyang prayoridad ang kaligtasan ng mga mamimili laban sa pagkakalantad sa mga produktong may sangkap na mercury.
“Being a woman, mother and physician, we know Mayor Lacuna is one with us in protecting consumers and their families from being exposed to mercury lurking in these skin lightening products. Please make full use of the map we have created to enforce the ban on mercury cosmetics under the ASEAN Cosmetic Directive and the Minamata Convention on Mercury and uphold our people’s rights to health and to a clean and toxics-free environment,” pahayag ni Lucero.
Noong Marso 10 hanggang 27 ay nagsagawa ng imbestigasyon ang grupo sa mga pamilihan sa Maynila partikular na sa Quaipo, Binondo, Santa Cruz, at Malate, at napag-alamang 52 tindahan ang nagbebenta ng mga ilegal na mercury-containing cosmetics na una nang ipinagbawal ng Food and Drug Administration (FDA).
Kabilang sa FDA-banned cosmetics ang Goree Beauty Cream mula sa Pakistan, 88 Total White Underarm Cream mula sa Thailand, Collagen Plus Vit E Day & Night Cream mula sa Indonesia, at Feique, Jiaoli, at S’Zitang skincare sets mula naman sa China.
Hinikayat naman ng EcoWaste ang Manila City LGU na magpatupad ng executive order o ordinansa na magbabawal at magpapataw ng karampatang parusa sa mga mahuhuling gumagawa, nag-aangkat, nagbabahagi, nagsusulong, at nagbebenta ng mga produktong may sangkap na mercury.
Humiling din ang grupo sa pamahalaang lungsod na pangunahan ang ‘Natural is Beautiful” campaign bilang bahagi ng health awareness at promotion efforts upang mahikayat ang mga Manileño na tanggapin ang natural na kutis, at iwasan na ang paggamit ng mga produktong mapanganib sa kalusugan.
Nakasaad sa Katuruang Panlipunan na sang-ayon ang simbahan na kumita ang isang mamumuhunan ngunit, kinakailangang matiyak na ang negosyo nito’y walang masamang epekto kalusugan ng tao at kalikasan