9,538 total views
Nanawagan ang Department of Interior and Local Government o DILG sa mga Mayor, Governor at Congressman na huwag makialam sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Ayon kay DILG Undersecretay Martin Diño, in-charged ng BSK elections, dapat nang ipaubaya ng mga Mayor at Governor ang laban ng mga kandidato sa Baranagay at huwag na itong haluan ng kanilang impluwensya.
Dagdag pa ni Diño, mas mabuti rin na ang mamamayan na ang magdesisyon sa kanilang ibobotong mga kapitan, kagawad at SK sa Barangay at hindi na sila maimpluwensyahan pa ng ilang mga kasalukuyang opisyal ng bansa.
“Nakikiusap kami sa mga Mayor at Congressman, yung mga Governor ay huwag na silang makialam sa halalang pambarangay, hayaan na nating mamili ay ang mga botante sa Barangay,” bahagi ng pahayag ni Diño sa Radyo Veritas.
Naniniwala si Diño na kung hindi makikiaalam ang ibang mas mataas na opisyal sa pamahalaan ay mababawasan din ang mga nagaganap na political harassments ngayong panahon ng pangangampanya.
Ayon kay Diño, tinatayang 22 na ang naitala ng DILG na election related violence bukod pa ang mga harassments na iniuulat din sa kanilang tanggapan.
Sa tala naman ng Commission on Elections 684,785 ang mga kumakandidato ngayon sa Barangay Elections habang 386,206 naman ang tumakbo para sa mga pwesto sa Sangguniang Kabataan Elections.
Umaasa naman ang Simbahang katolika sa pamamagitan ng election watchdog nitong Parish Pastoral Council for Responsible Voting na sa maayos na pagpili ng mamamayan sa kanilang magiging pinuno ay magmumula sa Barangay na itinuturing na pinakamaliit na yunit ng pamamahala sa bansa ang pagbabagong matagal ng hinahangad ng mga mamamayan