357 total views
Naniniwala si Sangguniang Laiko ng Pilipinas President Bro. Raymond Daniel Cruz, Jr. na mayroong Catholic vote kung magkakaisa lamang ang lahat ng mga Kristiyano’t Katoliko na bumoto para sa common good o sa ikabubuti ng mas nakararami.
Ayon kay Cruz, ang pagkakaisa ng mga Kristiyano’t Katoliko sa pagboto ng mga kandidato na naaayon sa panlipunang turo ng Simbahan ay maituturing na Catholic Vote.
Ipinaliwanag ni Cruz na ang mga laiko ang kinakailangang manguna sa pagsunod at pagtugon sa isinusulong ng Simbahan na mga Social Doctrine of the Church bilang pamantayan sa pagsusuri ng kandidato sa nakatakdang halalan sa bansa.
“Ako po naniniwala na mayroong Catholic Vote kung ang pinag-uusapan natin dito ay yung common good at saka yung advancement of peoples through holistic and orchestrated lay initiated campaigns,” pahayag ni Cruz.
Nanawagan rin si Cruz sa mga grupo at organisasyon ng mga laiko sa buong bansa upang pangunahan ang pagkakaroon ng mga inisyatibo sa pagpapalaganap ng maka-Diyos na pakikisangkot sa kabuuang proseso ng halalan sa bansa.
Kabilang sa tinukoy ni Cruz ay ang pag-oorganisa ng mga gawain na magsusulong hindi lamang ng pananalangin at pagninilay sa pagpili ng kandidatong ihahalal kundi maging pakikisangkot sa pagtiyak ng kaayusan at katapatan ng kabuuang proseso ng halalan.
“Nananawagan po kami para sa isang orchestrated lay initiated campaigns para po ibigay natin yung Catholic Vote natin sa ating mga kababayan naniniwala po ako diyan, kasama po ng panalangin, kasama po ng pagkilos na mayroon po tayong maidi-deliver at maniwala po kayo, mayroon po tayong maidi-deliver sa Catholic Vote,” dagdag pa ni Cruz.
Ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang nagsisilbing implementing-arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippine – Episcopal Commission on the Laity na binubuo ng higit sa 50 organisasyon ng Simbahan at Council of the Laity mula sa may 86-na diyosesis sa buong bansa na kasalukuyang pinamumunuan ni Tarlac Bishop Enrique Macaraeg.