252 total views
Napakahalaga ng tungkulin ng mga nasa industriya ng pamamahayag upang matiyak ang katapatan, kaayusan at karangalan ng National and Local Elections 2022.
Ito ang ibinahagi ni Rev. Fr. Anton CT Pascual, Pangulo ng Radio Veritas sa mahalagang papel na ginagampanan ng media industry sa pagbabantay ng kabuuang proseso ng halalan sa bansa.
Ayon sa Pari, ang mga mamamahayag ang nagsisilbing boses ng demokrasya at tagapagbantay ng mga nagaganap sa lipunan.
Ipinaliwanag ni Fr. Pascual na naaangkop lamang na maging matuwid at matapat ang mga mamamahayag sa kanilang tungkulin na isiwalat ang totoong nagaganap sa lipunan lalo na pambansang halalan.
“Sa araw ng halalan mahalaga ang media sapagkat tayo ang boses ng demokrasya at tayo ang nagbabantay ng tamang pagboto at tamang pagpili at tamang pagbilang ay nababantayan ng publiko at tayo nga ang sumasalamin sa publiko dahil tayo nga ang isa mga media, at media ang isa sa mga pinakamalakas na influencer ng katotohanan sa buong bansa kaya nga sa Radio Veritas mahalaga yung pagpapahayag natin ng katotohanan palagi.” pahayag ni Fr. Anton CT Pascual sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, kabilang ang mga kawani ng media industry sa mahigit 84,300 na nakibahagi sa isinagawang Local Absentee Voting ng Commission on Elections (COMELEC) noong ika-27 hanggang ika-29 ng Abril, 2022 kasama ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan at security forces na pawang maglilingkod at mangangasiwa sa kabuuang proseso ng halalan sa bansa.(reyn)