396 total views
September 19, 2020-11:35am
Sinusuportahan ng Commission on Human Rights ang isinusulong na panukalang batas ni Senate President Vicente Sotto III na nagbibigay ng angkop n akita at benepisyo para mga manggagawa sa media lalu na sa mga mapanganib na media coverage.
Nasasaad rin sa panukalang batas na tinaguriang Media Workers’ Welfare Act ang pagkakaroon ng security of tenure o regularisasyon sa lahat ng media workers.
Gayundin ang pagkakaroon ng mandato ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang bumuo ng isang News Media Tripartite Council na tututok sa mga pangangailangan at usapin ng mga media workers sa bansa.
Paliwanag ni CHR Spokesperson Atty. Jacqueline de Guia, bahagi ng pagtiyak sa patas na karapatan sa paggawa at malayang pamamahayag ang naaangkop na pagpapahalaga sa kapakanan ng mga nagtatrabaho sa industriya ng pamamahayag.
Iginiit rin ni Atty. De Guia na ang pagsusulong sa kapakanan ng mga mamamayag ay bahagi rin ng pagtiyak ng ‘constitutional rights to freedom of expression and information’.
“In ensuring the protection of labor rights and a free press, the Commission continues to reiterate its support for the protection and promotion of the rights of media workers. Together let us remember that in line with our constitutional rights to freedom of expression and information the protection of our media workers is necessary to ensure a free and fair media,” ang bahagi ng pahayag ni Atty. De Guia.
Inaprubahan na rin sa House Committee on Labor and Employment ang kahalintulad na panukala o ng Media Workers’ Welfare Act sa Mababang Kapulungan o ang House Bill 2476 na layong mabigyan ng proteksyon at employment benefits ang mga media workers.
Una na ring binigyan diin ng Kanyang Kabanalan Francisco ang kahalagahan ng pamamahayag bilang isang larangan na hindi lamang isang gawain kundi misyon na magpahayag ng katotohan para sa kapakanan ng higit na nakararami.