324 total views
Kinilala at pinasalamatan ng Archdiocese of Manila ang mga frontliners sa iba’t ibang larangan sa patuloy na paglilingkod sa mamamayan sa kabila ng mapanganib ng banta ng coronavirus pandemic.
Ayon kay Archbishop Jose Cardinal Advincula, hindi matatawaran ang sakripisyo ng mga tinaguriang bagong bayani ng lipunan na sumuong sa panganib para lingapin ang pangangailangan ng kapwa.
“Kasama ng pagpaparangal na ito ay ang taus-pusong pasasalamat sa inyong paglilingkod; sa inyong walang sawa walang pagod at buong katapatang paglilingkod ngayong panahon ng pandemya” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Batid ng Arsobispo ang malaking sakripisyo ng bawat frontliners lalo na ang healthcare workers na itinaya ang sariling buhay at maging buhay ng kanilang pamilya sa ikabubuti ng lahat at pagiging bayani sa digmaan ng COVID-19.
Isang Misa ang ginanap sa San Felipe Neri Parish sa Mandaluyong City nitong September 15 kasabay ng Kapistahan ng Our Lady of Sorrows na inialay para sa mga medical at service frontliners ng pamayanan.
Tinuran ni Cardinal Advincula na bukod sa pasasalamat ng mamamayan sa serbisyo ng mga frontliners ay higit ding nagpapasalamat ang Diyos sa kanilang paglilingkod sa kapwa.
“Ang Diyos din nagpapasalamat sa inyo [frontliners] by your services, you are not only doing us a favor, you are also doing God, a favor; nagpapasalamat ang Diyos sainyo [dahil] ang ginagawa ninyo ay hindi lamang trabaho, ang ginagawa ninyo ay misyon,” ani Cardinal Advincula.
Paliwanag ng Arsobispo pinili ang bawat frontliners upang gawin ang mahalagang tungkulin at maging instrumento ng Diyos sa pagtupad ng kanyang gawain sa sanlibutan.
Hinangaan din ni Cardinal Advincula ang mga frontliners na nagpapatuloy sa paglilingkod sa kabila ng kakulangan ng benepisyong natatanggap.
“Maraming salamat dahil kahit may mga pagkakataong hindi naaappreciate ang inyong ginagawa, kahit hindi naibibigay ang nararapat na benefits para sa inyo, kahit kulang ang suporta na natatanggap ninyo, patuloy pa rin kayo sa paglilingkod; thank you for saving many lives, thank you because the services you provide you keep many of us safe,” giit ng Cardinal.
Batay sa ulat makatatanggap ng 5, 000 pisong special risk allowance ang mga healthcare workers mula sa mahigit isang bilyong pisong inilaan ng pamahalaan.
Kabilang sa mga inimbitahang frontliners at ginawaran ng pagkilala sa pagdiriwang sina Mandaluyong Mayor Menchie Abalos, CDR Ruel GC Nicolas PN, PBGen Leo Francisco, Supt. Alberto De Baguio, Dr. Nerisa Isabel Sescon, Virginia Rey RN, Arra Perez, Melchor Peralta, Sherwin Erfe, Clare Frances Nolasco, Rowena Payumo, Fr. Raymond Tapia at Fr. Hector Canon.
Bukod sa panalangin at pagbabasbas ni Cardinal Advincula sa mga frontliners, nag-alay din ng panalangin, kandila at binasbasan ang mga nasawing medical at service frontliners dahil sa COVID-19.
Dalangin ni Cardinal Advincula ang katatagan at magandang kalusugan ng bawat isa sa pagganap ng tungkuling pangalagaan ang pangangailangan ng mamamayan lalo ngayong panahon ng pandemya.