184 total views
Tutugon ang CBCP Episcopal Commission on Health Care sa medical at Psychological needs ng mga napektuhan ng bagyong Lawin sa hilagang Luzon.
Ito ang tiniyak ni Rev. Fr. Dan Cancino MI, executive secretary ng Komisyon at siya rin taga-pamuno ng Camillian Task Force sa Pilipinas.
Ayon kay Fr. Cancino, tutungo na bukas ng Isabela at Tuguegarao ang kanilang grupo para magsagawa ng medical mission at psycho-social support sa mga biktima ng bagyo.
“We will be helping sa medical needs lalo na ng mga nasa northern part [Luzon], mayroon tayong medical intervention sa mga bata, sa mga nanay, lalo na sa mga buntis and of course sa mga elderly.”pahayag ni Fr. Cancino sa Radio Veritas
Sinabi din ni Fr. Cancino na nais nilang tutukan ang “water sanitation and hygiene” o WASH sapagkat ang kapabayaan dito ay nagdudulot ng pagkakasakit at problemang medikal sa mga survivors ng kalamidad.
Isa rin aniyang suliranin ngayon ang pscho-social effect ng bagyo sa mga biktima lalo na sa mga nawalan ng mahal sa buhay at mga ari-arian.
“Meron tayong pscho-social intervention dahil based on our experience sa Ondoy, Sendong,Pablo at Yolanda meron iba na na-trauma talaga at kailangan ng tulong sa bahagi na ito.”dagdag pa ni Fr. Cancino.
Kaugnay nito, maari din makipag-ugnayan sa Camillian Task Force ang mga nais magbahagi ng tulong para sa medikal na pangangailangan ng mga naapektuhan ng bagyong Lawin.
Bukas din ang kanilang Metro Bank savings account para sa in-cash donations; account name: Salutee Sviluppo, Phils, Inc. account number: 093-7093519970 Swift code: MBTCPHMM.
Batay sa datos ng DSWD, umabot sa mahigit 270 libong pamilya ang naapektuhan ng bagyong lawin sa luzon.
Magugunitang una ng inihayag ng Caritas Philippines ang paglalabas ng P2 milyong piso na paunang tulong sa mga naapektuhan ng kalamidad habang ang Caritas Manila naman ay magbabahagi ng tig P300 libong piso sa apat na apektadong diyosesis para sa rehabilitasyon ng mga nasirang kabahayan.