431 total views
Nagtatag ng memoriam wall ang Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church sa harap ng simbahan kung saan maaaring isulat ang pangalan ng mga yumaong mahal sa buhay lalo na ang nasawi sa coronavirus.
Ayon kay Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng basilica, ito ay pakikiisa ng simbahan sa panawagan ng Arkidiyosesis ng Maynila na maglaan ng araw at oras para ipanalangin ang mga yumao dahil sa nakakahawa at nakamamatay na virus.
“Mayroon kaming memoriam wall kung saan isusulat ng mga tao ang pangalan ng mga namatay sa panahon ng pandemya,” mensahe ni Fr. Badong sa Radio Veritas.
Batay sa pastoral instruction na inilabas ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, hinihikayat nito ang mga simbahan ng arkidiyosesis na magsagawa ng panalangin para sa mga apektado ng pandemya.
Noong ika-5 ng Mayo ay itinalaga ito ng arkidiyosesis sa pananalangin para sa lahat ng frontliners na patuloy sa paglilingkod sa gitna ng mapanganib na epekto ng pandemya sa sariling kalusugan.
Ika-6 Mayo naman ang itinalagang araw para ipagdasal ang mga may karamdaman lalo na ang nahihirapan at nahawaan ng COVID-19 habang sa Mayo 7 naman ipagdasal ang mga pumanaw.
Ibinahagi ni Fr. Badong na magsasagawa ng pagsisindi ng kandila at pag-aalay ng panalangin ang Quiapo Church sa gabi ng Mayo 6 ganap na alas 7 ng gabi na pangungunahan ni Msgr. Hernando Coronel.
Sa Mayo 8 naman magtitipon ang mga pari ng arkidiyosesis para sa isang misa ganap na alas 9 ng umaga sa Manila Cathedral para sa lahat ng yumao bunsod ng COVID-19.
Hinikayat ng arkidiyosesis ang mananampalataya na makiisa sa mga gawain sa livestreaming sapagkat limitado lamang sa 30 porsyento ang pinapayagang makadalo sa mga simbahan bunsod ng modified enhanced community quarantine status sa National Capital Region at karatig lalawigan.