489 total views
September 1, 2020
Kinilala ng Military Ordinariate of the Philippines (MOR) ang kabayanihan ng mga kawani ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, Pambansang Pulisya ng Pilipinas at iba pang men and women in uniform na nagsusumikap na gampanan ang kanilang tungkulin sa kabila ng banta at kapahamakan na dulot ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio, maituturing na mga bayani ang puwersa ng pamahalaan bukod sa mga medical frontliners na nangunguna sa pagtugon sa pandemya sa bansa.
Ipinaliwanag ng Obispo na malaki rin ang tungkuling ginagampanan ng puwersa ng pamahalaan sa pagtiyak na masunod ang mga security health protocols upang hindi kumalat ang nakahahawa at nakamamatay na virus.
Umaasa rin si Bishop Florencio na patuloy na manaig ang kabutihan sa bawat kawani ng puwersa ng pamahalaan.
“To our policemen, the armed forces of the Philippines and all those men and women in uniform, please note that at this time of pandemic and crisis you are our heroes. You have also sacrifice for our people and country. Know that you are always in our prayers. Your heroism will be remembered not just by the Filipino people but by the almighty in heaven. Don’t get tired of doing what is for the good of the country and for the people for you will be rewarded a hundredfold. May your examples continue to inspire all of us. Mabuhay kayong lahat.”mensahe ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Ibinahagi ng Obispo na ang pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani ay simbolo ng patuloy na pagkilala at pagbibigay pugay sa mga bayani ng bansa na isinakripisyo ang kanilang buhay para sa kabutihan at kapakanan ng bayan.
Panalangin naman ni Bishop Florencio na patuloy na biyayaan ang Pilipinas ng mamamayan na handang ialay ang kanilang sarili para sa kaayusan at kabutihan ng buong bansa.
“We are happy to celebrate the National Heroes Day because it recognizes duly the efforts and sacrifices of our people who have been so altruistic. May their examples radiate to other Filipinos. May they also be blessed with bountiful blessings and May they continue to increase and saturate our societies with people like these Heroes of ours.” Dagdag pa ni Bishop Florencio.
Saklaw ng Military Ordinariate of the Philippines ang pangangasiwa sa paggabay sa buhay espiritwal ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management & Penology (BJMP) at Veterans Memorial Medical Center (VMMC).
Batay sa pinakahuling datos ng PNP Health Service noong ika-26 ng Agosto umaabot na sa 3,669 ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa hanay ng Philippine National Police kung saan 16 na ang nasawi habang nasa 2,626 naman ang gumaling.