1,490 total views
Umaasa ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Youth na maging masigasig ang kabataan sa pagtugon sa pangangailangan ng lipunan.
Ito ang mensahe ni CBCP-ECY Chairman, Daet Bishop Rex Andrew Alarcon sa pagdiriwang ng National Youth Day 2022 sa December 16.
Naniniwala ang opisyal na kinakailangan ng mga kabataan na makapag-angkop sa mabilis na pagbabago ng lipunan bunsod ng iba’t ibang dahilan.
“As we all celebrate the National Youth Day, our prayer and wish for all is that we may all have the agility to face and address the rapidly changing challenges, keeping our minds, hearts and spirit focused on the Lord Jesus, Who comes to rescue us.”pahayag ni Bishop Alarcon.
Hinimok ng obispo ang mga kabataan sa bansa na magtulungan sa mga programa ng simbahan lalo ngayong pinaghahandaan ang World Youth Day sa Agosto 2023 na gaganapin sa Lisbon Portugal.
Tiwala si Bishop Alarcon na tulad ng temang ‘Mary arose and went with haste’ na maging handa ang bawat kabataan na tumugon sa tawag ng pagmimisyon higit na sa kasalukuyang panahong marami ang hamong kinakaharap ng simbahang katolika at ng buong pamayanan.
Sinabi ni Bishop Alarcon na tulad ng Mahal na Ina nawa’y walang pag-alinlangan ang kabataang tumugon sa tawag ng paglilingkod sa iba’t ibang larangan para sa kapakinabangan ng bawat mamamayan.
“Dear Young people, let us resist the temptation of self-absorption. May we not be simply concerned with self-preservation. Rather, let us look at the needs of others as our own.” ani Bishop Alarcon.
Ipinagdiriwang sa Pilipinas ang National Youth Day tuwing December 16 ang unang araw ng Simbang Gabi at Misa De Gallo, ang siyam na araw ng misa nobenaryo sa karangalan ng Mahal na Birheng Maria bilang paghahanda sa Pasko ng Pagsilang.