584 total views
Alalahanin ang kahalagahang maisabuhay ang misyon ng Panginoon sa bawat binyagang katoliko.
Ito ang pagninilay ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa pagdiriwang ng dakilang kapistahan ng Banal na Santatlo ng Most Holy Trinity Parish sa Balic-balic Sampaloc Manila noong June 12.
“Tatlong diwang sangkap ng pagiging sinodo ang pinapaalala sa atin at ito ay mga Communion, Participation at Mission, una ay Communion pagkakaisa, pagkakapit-bisig, pagsasama sa buklod ng pagmamahal sa bisa ng ating binyag naibuklod tayo kay Hesus Kristo na bugtong na anak ng Diyos” bahagi ng homily ni Cardinal Advincula
Kasabay ng paggunita ng Holy Trinity Sunday ang Basic Ecclesiastical Community Sunday kung saan ipinapaalala ng Arsobispo sa mga B.E.C ang walang humpay na pagtulong sa mga indibidwal na nakakaranas ng ibat-ibang uri ng paniniil sa lipunan.
Itinuring naman ni Father Eric Adoviso – Parish Priest ng parokya na makasaysayan ang paggunita ngayong taon ng Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo ng Most Holy Trinity Parish dahil narin kasabay ito ng paggunita ng 90th Jubilee anniversary ng simbahan kung saan iginagawad ang plenaryo indulhensya para sa mga mangungumpisal sa Parokya.
Inihayag ni Father Adoviso na kasabay ng Holy Trinity Sunday ang pagdiriwang ng Pilipinas sa ika-124 Araw ng Kalayaan na ipinagdiriwang tuwing June 12.
Inalala din Father Adoviso na naging bahagi din ng kasaysayan ng Pilipinas ang ‘battle of Balic-Balic’ sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikanong mananakop.
“Unang-una po yung mensahe ko po sa Jubilee, ito po ay isang dakilang pribelehiyo kung saan ang simbahan ay binibigyan tayo ng indulhensya, ang sinumang pumapasok po ay magkakaroon ng indulhensya provided na siya po ay nangungumpisal at pinagdadasal ng ating santo papa ganon din po ang 90 years kasi 1932 po siya itinatawag pero historically po, 1890 ay mayroon na pong chapel sa Balic-balic” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Adoviso.