1,777 total views
Humayo sa pamayanang puspos ng Espiritu Santo upang dalhin ang kapayapaang hatid ni Hesukristo.
Ito ang paanyaya ng Kanyang Kabanalan Francisco sa World Missionary Day na ipagdiwang sa October 22, 2023.
Tema sa pagdiriwang ngayong taon ang “Hearts on fire, feet on the move,” hango sa sipi ni San Lucas hinggil sa paglalakbay ng mga disipulo patungong Emmaus.
Sinabi ng santo papa na nawa’y mapuspos ang puso ng bawat isa sa alab ng Salita ng Diyos at patuloy na ipalaganap sa lipunan sa pakikilakbay ng bawat mananampalataya.
“Let us set out again with burning hearts, with our eyes open and our feet in motion. Let us set out to make other hearts burn with the word of God, to open the eyes of others to Jesus in the Eucharist, and to invite everyone to walk together on the path of peace and salvation that God, in Christ, has bestowed upon all humanity.” saad ni Pope Francis.
Giit ng punong pastol sa mahigit isang bilyong katoliko na sa pagninilay sa tema ng pagdiriwang ay muling mapag-alab ang diwa ng pagmimisyong tinataglay ng bawat binyagang kristiyano.
Dagdag ng santo papa dapat hilingin kay Hesus na Muling nabuhay ang paggabay upang maihayag sa sambayanan ang pagkakatawang tao ng Salita ng Diyos.
“May Jesus make our hearts burn within us; may He enlighten and transform us, so that we can proclaim His mystery of salvation to the world with the power and wisdom that come from His Spirit.” dagdag ni Pope Francis.
1926 nang pasimulan ni Pope Pius XI ang World Mission Sunday na inorganisa ng Society for the Propagation of the Faith kung saan nangangalap ito ng donasyon para sa mga missionary works ng simbahan sa buong daigdig.
Sa kasalukuyan pinangangasiwaan ng Pontifical Mission Societies ang pagmimisyon ng simbahan sa iba’t ibang bahagi ng daigdig katuwang ang mga misyonerong pari, madre, at maging mga layko na katuwang ng simbahan sa pagpapalago ng pananampalataya.