214 total views
Hindi pagtataksil sa Pilipinas ang video message ni Vice-President Leni Robredo sa 60th United Nations Session of the Commission on Narcotics Drug sa Vienna,Austria.
Ito ang paglilinaw ni Father Ranhillo Aquino, Dean ng San Beda Graduate School of Law sa kontrobersiyal na video message ni Robredo kaugnay sa lumalalang paglabag sa karapatang pantao at tumataas na bilang ng extra-judicial killings sa bansa.
Ayon kay Father Aquino, wala siyang nakikitang mali sa video message ni Robredo hinggil sa problema ng “war on drugs” ng administrasyong Duterte.
Ipinaliwanag ni pari na lahat ng tao ay may kanya-kanyang opinyon at hindi dahilan ang pagiging isang bise presidente upang mawalan ng karapatan para sa freedom of speech and expression.
Sumentro ang nasabing video sa pagtutol ni Robredo sa laganap na extra judicial killings, mga pamilya at indibidwal na apektado sa kampanya ng administrasyon kontra-droga at ang kontrobersyal na ‘palit-ulo’ scheme ng Philippine National Police.
Ang video message ang naging dahilan para sampahan ng impeachment complaint si Robredo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil sa “betrayal of public trust” ng hiyain ang bansa sa United Nations.
Batay sa katuruang panlipunan ng Simbahan, labis na pinahahalagan ang kalayaan sa pagpapahayag ng saloobin ng bawat isa na may kaakibat na pag-iingat at kahinahunan para sa pagtamo ng kapayapaan.