668 total views
Mga Kapanalig, sang-ayon ba kayo sa panukalang batas ng Gabriela Women’s Party na Menstrual Leave Act? Sa panukalang ito, magkakaroon ng dalawang araw na bayád na leave ang mga babaeng nakararanas ng sakit dala ng kanilang pagreregla.
Kung si dating Senator Ping Lacson ang tatanungin, hindi makatutulong ang panukala sakaling maging batas ito.1 Baka tanggalin daw sa trabaho ang mga babae o hindi na lang sila tanggapin. Sinuportahan ng ilang negosyante ang posisyon ng dating senador. Nanawagan sila sa mga mambabatas na pag-aralang mabuti ang mga implikasyon ng panukala sa ekonomiya ng bansa. Posible raw na hindi kayanin ng ilang negosyo ang karagdagang 24 na bayád na leave sa loob ng isang taon.2
Taliwas naman ito sa pananaw ng ilang labor groups at mga nagsusulong sa karapatan ng kababaihan. Para kay Partido Manggagawa Secretary-General Judy Miranda, anti-women at pro-capitalist ang naging pahayag ng dating senador. Paliwanag niya, matagal na raw nilalabanan ng mga malalaking negosyante ang pagkakaloob ng mga benepisyo sa kababaihan na may kinalaman sa kanilang reproductive health rights at kalusugan.3 May mga nagsabi ring napatunayan na ng mga pag-aaral sa mga bansang mayroong menstrual leave na nakatutulong ito upang mapanatiling nagtatrabaho at produktibo ang mga babae. Pinabababa rin nito ang turnover o pagpapalit-palit ng mga manggagawa. Kung may epekto man ito sa mga negosyo, napakabahagya lamang din daw. Kung nais ng mga kumpanyang magkaroon ng mahuhusay na manggagawa at manatili sila sa kanila, kailangan nilang ipakita sa kanilang mga empleyado, kabilang ang mga babae, na inaalagaan at iginagalang sila.4
Samu’t sari namang karanasan patungkol sa pagkakaroon ng regla habang nagtatrabaho ang ibinahagi ng mga netizens. May nagkuwento tungkol sa hinimatay nilang guro sa gitna ng klase dahil sa dysmenorrhea o matinding pagsakit ng puson dahil sa pagkakaroon niya ng regla. May mga nagsabing hindi sila makagalaw sa tindi ng dysmenorrhea at hindi makapagtrabaho nang maayos sa mga araw na may dalaw sila. May nakararanas din ng migraine, pananakit ng likod at balakang, pamumutla at panghihina na kailangang tiisin ng mga babae habang nagtatrabaho.5 Bagamat iba-iba ang epekto ng pagkakaroon ng regla sa mga babae, hindi maitatangging kalbaryo itong pinapasan ng maraming sa kanila.
Naniniwala ang Simbahang mahalaga ang ambag ng kababaihan sa lahat ng aspeto ng ating lipunan.6 Kaya naman, importante ang pakikilahok nila sa paggawa. Bahagi ng mga karapatan ng kababaihan ang pagtatrabaho at pagsigurong maayos ang kundisyon ng lugar ng kanilang trabaho upang magawa nila ang kanilang mga dapat gawin. Nakabatay ang mga karapatang ito sa hindi maipagkakait na dignidad ng kababaihan sapagkat katulad ng sabi sa Genesis 1:27, “nilalang ng Diyos ang tao ayon sa Kanyang sariling larawan; nilalang Niya silang lalaki at babae.”
Importante ang masusing pag-aaral sa panukalang Menstrual Leave Act. Kasabay ng pagtingin sa magiging epekto nito sa mga negosyo, kailangang bigyang-atensyon ang kalagayan ng mga babaeng manggagawa. Kasama rito ang pagkilala sa kanilang mga pangangailangang dala ng kanilang pisikal na pagkakaiba sa mga lalaki.
Mga Kapanalig, mahalaga ang mga hakbang na nagtataguyod sa dignidad ng kababaihan at nagpapabuti sa kanilang kalagayan sa paggawa. Hindi maituturing na tunay na maunlad ang ating ekonomiya at lipunan hangga’t mayroon tayong isinasantabing mga sektor batay sa kanilang kasarian.
Sumainyo ang katotohanan.