287 total views
Kapanalig, maraming mga sakit ang hindi nagpapakita ng mga halatang simtomas. May mga sakit, gaya ng mga kaugnay ng mental health, na nangangailangan ng ating mas ibayong pang-unawa.
Ang mental health kapanalig, ayon sa World Health Organization o WHO ay isang estado kung saan ang tao ay may kumpletong pisikal, mental, at sosyal na kaayusan. Sa ganitong estado, ang tao ay kayang maabot ang kanyang potensyal, kayang harapin ang pangkaraniwang problema o stress ng buhay, kayang magtrabaho, at kayang maka-pag-ambag sa lipunan.
Maraming mga sakit na kaugnay sa mental health ang matuturing na “modern-day living diseases.” Ayon sa WHO, halos kalahati ng mga mental disorders ay nagsisimula bago dumating ang edad ng 14. Kaya lamang, maraming mga bansa na may mataas na porsyento ng mga kabataan ay salat sa mga mental health facilities. Isa sa mga pangunahing dahilan ng kamatayan ng mga mamayang may edad 15-29 ay suicide, at mahigit 800,000 ang namamatay dito kada taon sa buong mundo.
Ang ating bansa ang may pinakamababang antas ng suicide sa buong ASEAN. Base sa 2012 datos ng WHO, mga 2,558 ang tinatayang bilang ng suicide sa ating bansa. 550 dito ay babae, at 2008 ang lalake. Ang suicide rate ng ating bansa ay 2.9 kada 100,000 Pilipino.
Ngunit marami pa rin sa atin ang nakakaranas ng depression at anxiety. Ito ay isa sa mga modern-day living diseases na dapat tutukan ng atensyon dahi hindi ito nakikita o “visible to the eye.” Ang mga datos natin dito ay konserbatibo, dahil marami ang ayaw magbahagi ng kanilang nararanasang ibayong kaulungkutan. Ngunit ayon sa 2004 datos ng WHO, tayo ang may pinakamataas na antas nito sa Southeast Asia. Mahigit 4.5 million kaso ng depresyon ang naiulat sa bansa at tatlong porsyento ng Pilipino ang na-diagnose na may depresyon. Marami pa ring mga kaso ng depresyon ang hindi nada-diagnose dahil sa hiya. Sa 90 na may depresyon sa ating bansa, 30 lamang ang maghahanap ng medikal na tulong.
Kapanalig, isa sa mga mahahalagang armas laban sa depresyon ay “compassion.” Ang compassion o pakikiramay kapanalig, ay mabibigyan tayo ng pagkakataon na mapadama sa mga may ganitong sakit na hindi sila nag-iisa. Ang compassion, kapanalig, ay magdadala ng pag-asa.
Ayon sa Octogesima Adveniens, tayo ngayon ay nakakaranas ng bagong kalungkutan kung saan lahat tayo ay parang mga estranghero sa isa’t isa. Sa Populorum Progressio, makikita naman natin ang isang hamon ng paki-iisa sa kapwa. Tinatawag tayo nito na i-welcome o tanggapin ang ating kapwa dahil isa itong paraan ng pagbibigay sa kanila ng proteksyon sa kalungkutan at sa pag-iisa, na nagpapahina ng kanilang “moral resistance.” Nawa’y magbigay sa atin ng liwanag ang mga katagang ito mula sa panlipunang turo ng ating Simbahan.