366 total views
Ang October 10 ay ang tinaguriang World Mental Health Day. Marami ng development sa buong mundo ukol sa pangangalaga sa mental health ng mga mamamayan. Mas nabibigyan na ito ng atensyon ngayon sa maraming mga bansa sa buong mundo, mas mataas na ang awareness ng maraming mga bansa ukol dito. Dati-rati, taboo ang usapang ito, pero ngayon, unti unti ng nagiging bukas ang lipunan ukol sa isyu ng mental health.
May developments man, kailangan pa rin nating kumilos para sa mas malawak na kasulungan nito. Ang mental health kasi ay karaniwang may kaakibat na takot, stigma, at diskriminasyon. Kaya kahit marami na ang mas aware ukol dito, hindi nangangahulugan na mas marami na ang nakakaunawa nito.
Ayon sa World Health Organization (WHO), bago pa man mag-pandemya, tinatayang isa sa walong tao ang nabubuhay na may mental disorder. Mas naging mahirap ang sitwasyon nila, lalo noong pandemya, dahil ang mga suporta at serbisyong kailangan nila ay naantala dahil sa mga mobility restrictions. Ngayong nagbukas na ang mga ekonomiya sa buong mundo at halos business at usual na, kailangang hindi lamang kamalayan o awareness sa mental health ang tumaas, kundi ang access din sa serbisyo na kailangan para dito.
Mas kailangan natin ng skills at services para dito ngayon dahil pinalala ng pandemya ang mga karaniwang isyu ng mental health. Sabi nga ng WHO, tumaas ng 25% ang anxiety at depressive disorders sa unang taon ng pandemya. Pagdating sa mga isyung ito, ang mga seniors, ang mga bata at babaeng nasa mga bayolenteng tahanan, pati ang mga may kapansanan ang karaniwang walang mapuntahan. Kung hindi natin i-extend at palalawigin ang mental health services, paano na sila?
Kapanalig, ngayong darating na 2023, mas malaki ang budget ng pamahalaan para sa mental health. Magandang balita ito para sa ating bayan. Malayo ang maabot nito kung gagamitin sa wastong paraan. Malaki ang magagawa nito para sa tinatayang 3.6 milyong Filipino nakaranas ng mental disorders noong kahitikan ng pandemya, kaya kailangang bantayan ito.
Sabi ni Pope Francis, kailangan nating mag-reach out o abutin ang mga indibidwal na nakakaranas ng depresyon, at ng mental, emotional, affective, and physical exhaustion. Pakatandaan natin na ang mental health issues ay karaniwang naka-kubli sa pagtitiis, sa pilit na mga ngiti at tawa, sa paglimot, sa pagkataranta at sa iba pang pagbabalatkayo. Bilang magkakapatid na nilikha sa imahe ng Panginoon, ating obligasyon na hanapin at lapitan ang mga nakakubling lumuluha at pagod sa paligid natin, at tulungan silang unti-unting makabangon.
Sumainyo ang Katotohanan.