64,539 total views
Ang mental health ay isang mahalagang aspeto ng kalusugan na madalas ay nababale-wala, lalo na sa konteksto ng mga manggagawang Pilipino. Sa isang bansa kung saan ang pagpapahalaga sa trabaho at kabuhayan ay napakatingkad dahil sa hirap ng buhay, ang kalusugan ng isip ng mga manggagawa ay napapabayaan, o sinasantabi.
Pero kapanalig, ang mental health ay isang kritikal na usapin na kailangang bigyan ng pansin at aksyon. Ang stress, burnout, at iba pang mental health issues ay nagiging karaniwan na sa ating mga manggagawa, na maaaring magdulot ng malalang epekto hindi lamang sa kanilang kalusugan kundi pati na rin sa kanilang produktibidad at kalidad ng buhay.
Ang mga manggagawang Pilipino ay nahaharap sa maraming hamon pagdating sa mental health. Isa sa mga pangunahing dahilan ay ang mataas na antas ng stress na dulot ng mga pang-araw-araw na gawain sa trabaho, katapat pa ang araw araw na stress sa traffic. Maraming mga Pilipino ang nagtatrabaho ng mahabang oras, minsan higit pa sa walong oras kada araw, upang masiguro ang sapat na kita para sa kanilang pamilya. Ang mga ito ay nagreresulta sa kakulangan ng oras para sa pahinga at mga gawain na makakatulong sa kanilang mental well-being. Walang work-life balance.
Bukod dito, ang kawalan ng job security at mababang sahod ay nagdudulot ng labis na pag-aalala at anxiety sa mga manggagawa. Maraming Pilipino ang nagtatrabaho sa mga sektor na hindi garantisado ang seguridad sa trabaho, tulad ng mga contractual at freelance workers. Ang takot na mawalan ng trabaho at ang patuloy na pag-iisip sa mga gastusin sa araw-araw ay nagdudulot ng malalim na epekto sa mental health ng mga manggagawa. Ang ating mga gig workers gaya ng mga riders at drivers, kadalasan nararanasan ito. Kaya ang road rage ay karaniwan na ngayon – kasama ito sa mental health issues ng mga mamamayan ngayon.
Lahat tayo ay may mahalagang papel dito, hindi lamang upang itaas ang kamalayan ukol dito, kundi upang isulong din ng work-life balance. Ayon sa Global Life-Work Balance Index, second to the last tayo pagdating sa work life balance. Bilang isang nagkakaisa at makatarungang lipunan, kailangan natin magsulong ng mga mental health workshops, counseling services, at iba pang suporta na makakatulong upang mabawasan ang stress at anxiety sa trabaho at sa buhay ng mga Pilipino. Dapat magpatupad tayo ng mga polisiya na magpoprotekta sa mental health ng mga manggagawa, ng mga batas na nagpopromote ng work-life balance, magtataas ng sahod, at at magpapalawak ng access sa mental health services.
Kapanalig, ang mental health ay karapatan natin na dapat natin kilalanin, proteksyonan, at isulong. Ang pagpapahalaga nito ay hindi lamang makakatulong sa mga indibidwal, kundi pati na rin sa buong lipunan, dahil magdudulot ito ng mas produktibo at masayang workforce. Ayon nga sa Rerum Novarum, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan: Ang manggagawa ay ating kapamilya, at sa mga lungsod, sila ang nakakarami o mayorya. Hindi natin sila dapat pabayaan. “Public administration must duly and solicitously provide for their welfare and comfort; otherwise, that law of justice will be violated which ordains that each man shall have his due.”
Sumainyo ang Katotohanan.