29 total views
Mga Kapanalig, ang buwan ng Oktubre ay Mental Health Awareness Month. Layunin nitong bigyang-pansin ang mga usaping may kinalaman sa mental health at labanan ang stigma o mga negatibong pagtingin tungkol sa sensitibong paksa na ito.
Ang mental health ay state of wellbeing o kalagayan ng kagalingan ng isang indibidwal kung saan naaabot niya ang kanyang mga potensyal, nahaharap niya ang mga stress ng buhay, at nakapagtatrabaho siya nang produktibo. Kakabit ng mental health ang mental wellness, na hindi lamang nangangahulugan ng kawalan ng sakit kundi isang panghabambuhay na proseso ng pagpapatatag sa mental, emosyonal, sosyal, at sikolohikal na kapasidad ng isang tao. Sa madaling salita, ang pangangalaga sa mental health ay isang paraan upang siguruhing matatag, malusog, at lumalago ang isang indibidwal.
Maraming maling akala kaugnay ng mental health. Halimbawa, hindi lahat ng may mental health problem ay may mental health disorder. Ang mental health disorder ay clinically diagnosed o natukoy ng isang doktor. Disorder na ito kung labis na nakaaapekto na ang kalagayan sa pag-iisip ng isang tao sa kanyang pagiging functional o produktibo. Ang mental health problems ay mga temporary o pansamantalang kondisyon bilang reaksyon ng isang tao sa mga pangyayari sa kanyang buhay. Maaaring tingnan ang mental health bilang isang continuum—mula sa pagiging malusog (o healthy), reaktibo (o reacting), sugatan (o injured) hanggang sa may karamdaman (o ill). Iba-iba ang karanasan ng bawat indibidwal depende sa kung nasaan sila sa continuum.
Dahil dito, kailangan nating maging maingat sa ating mga pananaw at pananalita kaugnay ng mental health. Ayon sa isang pag-aaral, hindi baba sa lima sa bawat sampung tao (o 56%) ang nagsabing ayaw nilang makisalamuha o makipag-socialize sa mga taong may suliranin sa kanilang mental health. Nasa 58% naman ang ayaw makipagtrabaho sa mga taong may ganitong kondisyon. Ipinakikita ng mga ito ang stigma na ikinakabit sa mental health na umaabot pa sa diskriminasyon sa mga taong may mental health problems at disorders.
Maliban sa pagiging bukás sa usapin ng mental health at sensitibo sa mga taong may mental health problems at disorders, dapat ding pangalagaan ng batas ang mental health ng bawat isa. Dapat paigtingin ang pagpapatupad sa Republic Act No 11036 o ang Mental Health Act. Mahalaga ring mapag-usapan ang mga isyung may kaugnayan sa mental health sa media, mga paaralan, at lugar ng pinagtatrabahuhan. Ang tema nga ng Mental Health Awareness Month sa taóng ito ay “It’s Time to Prioritize Mental Health in the Workplace.” Hinihimok ng temang ito na pag-usapan kung paano nakaaapekto ang trabaho sa mental health ng mga manggagawa—mula sa haba ng oras at bigat ng trabaho, work-life boundaries, komunikasyon sa trabaho, hanggang sa pagkakaroon ng sapat na sahod.
Pangkabuuan o holistic dapat ang pagtingin sa mental health. Ang pangangalaga sa mental health ay personal at panlipunang responsabilidad. Para kay Pope Francis, dapat na nating bawasan ang atensyon sa pagiging produktibo lamang ng isang lipunan, at ibaling ito sa halip sa pagbubuo ng mga komunidad. Nakatungtong ang panawagan ng Santo Papa sa turo ng Simbahan tungkol sa dignidad ng tao. Ang halaga ng tao ay hindi nakabatay sa kung ano o gaano karami ang kaya niyang likhain, kundi sa kanyang dignidad na mula sa pag-ibig ng Diyos.
Mga Kapanalig, sa pagtatapos ng buwang ito, nawa’y huwag matapos ang pag-uusap at pagpapabuti ng mga serbisyong kaugnay ng mental health. Ipinangako ng Diyos sa Deuteronomio 31:8 na “sasamahan Niya” tayo, kaya’t gawin din natin ito sa mga kapatid nating may mga mental health problems at mental health disorders. Patuloy din tayong manawagan para sa mas maayos na kalagayang paggawa para mapangalagaan ang mental health ng mga naghahanapbuhay.
Sumainyo ang katotohanan.